Quantcast
Channel: Konteksto – Pinoy Weekly
Viewing all 84 articles
Browse latest View live

Pagkatapos ng protesta, ano na?

$
0
0

Hindi na mahirap manghikayat na sumama sa protesta sa Luneta sa Lunes (Agosto 26). Salamat sa midya, may ideya na ang maraming mamamayan sa mga susing usapin. Malinaw na rin ang malawak na pagkakaisa sa mga ito – pagtatanggal sa sistemang pork barrel, pagpaparusa sa mga napatunayang may-sala at pagkakaroon ng transparency at accountability sa pamahalaan.

Anuman ang iyong politikal na paninindigan, nakikita mo ang kahalagahang ipakita ang kolektibong galit sa pagnanakaw sa kaban ng bayan. Kung paniniwalaan kasi ang mga balita, lumalabas na P10 bilyon ang napunta sa bulsa ng iilan dahil sa tinatawag ngayong pork barrel scam na kinasasangkutan ng limang senador at 23 miyembro ng House of Representatives, bukod pa sa mga kasabwat nila sa pribadong sektor.

At dahil tulad ka ng iba pang Pilipinong nagbabayad ng buwis, may dahilan ka para magalit. Kung tutuusin nga, ang P10 bilyon-pisong anomalya ay personal: Nagpapakahirap kang mabuhay araw-araw at biglang bumulaga sa iyo ang balitang may nagpapasasa pala sa mga binayaran mong buwis sa mga nagdaang taon! Para sa iyo, ikaw mismo ang pinagnakawan ng gobyernong dapat ay kumakalinga sa iyo. Ang ilang ibinotong opisyal ay nagsamantala sa kanilang posisyon. Ibinulsa nila ang perang dapat ay para sa serbisyo publiko. At kung ikaw mismo ang bumoto sa ilang nasasangkot sa kasalukuyang anomalya, hindi nakagugulat na mas matinding galit ang nararamdaman mo sa kasalukuyan.

Sa puntong ito, mainam na suriin ang pahayag ni Pangulong Noynoy Aquino tungkol sa isyu ng pork barrel. Sabi niya sa isang press conference kahapon (Agosto 23), “Panahon na po upang i-abolish ang PDAF [o Priority Development Assistance Fund ng mga mambabatas].” Pero baka ka tuluyang maniwala, mainam na basahing mabuti ang susunod na pangungusap niya: “[B]ubuo tayo ng bagong mekanismo upang matugunan ang pangangailangan ng inyong mga mamamayan at sektor.”

Ngayon pa lang, dalawang punto na ang kailangang linawin.

Una, mali ang paggamit ng terminong “abolish” hinggil sa PDAF dahil pinapalitan lang naman ito ng isang bagong mekanismo. At kung susuriin nga ang buong pahayag ni Aquino, binibigyan pa rin ng kapangyarihan ang mga miyembro ng Senado at House of Representatives para makapagmungkahi ng mga proyekto bagama’t daraan na ito sa “proseso ng pagbubuo ng budget.” May pangako rin ang Pangulong “hihimayin ang bawat linya, bawat piso, bawat proyekto.”

Ikalawa, ang sistemang pork barrel na kailangang buwagin ay hindi lang PDAF. Nariyan din ang tinaguriang “presidential pork barrel.” Ayon sa pag-aaral ng Kabataan Partylist, hindi lang bilyon kundi TRILYONG PISO ang panukalang pondo ng Pangulo para sa taong 2014: “[T]he total presidential pork barrel lies somewhere in between P1.3-1.5 trillion, which is anywhere between 58 to almost 70 percent of the total national budget.” Binubuo raw ito ng special purpose funds at automatic appropriations (P1.246 trilyon); confidential at intelligence funds (P1.46 bilyon); programang Payapa at Masagayang Pamayanan o PAMANA (P7.22 bilyon); programang conditional cash transfer o CCT (P62.6 bilyon); bottom-up budgeting o BuB approach (P20.03 bilyon); at ang mga hindi pa malinaw na halaga ng realignment bunga ng savings ng nakaraang taon at off-budget accounts  tulad ng President’s Social Fund.

Hindi hamak na mas malaking halaga ang pork barrel ng Pangulo kumpara sa taunang PDAF ng mga mambabatas na P200 milyon (Senado) at P70 milyon (House of Representatives) bawat isa. Huwag din nating kalimutang mayroon ding sariling pork barrel ang Office of the Vice-President na P200 milyon bawat taon. Malinaw na ang mas dapat tutukan ay ang pagbubuwag hindi lang ng PDAF kundi ng pork barrel ng Malakanyang mismo.

Kung may proyekto ang gobyernong nais na ipatupad sa komunidad, may mga ahensiya ng gobyernong kayang direktang mangasiwa nito. Sa teorya, ang mga lokal na gobyerno rin ay nasa posisyon para tukuyin ang pangunahing pangangailangan ng mga komunidad.

Tungkulin ba ng mga mambabatas na mangasiwa o magtukoy ng pang-komunidad na proyekto? Malinaw ang sagot: Ang trabaho ng isang miyembro ng Senado o House of Representatives ay maghain ng mga panukalang batas at resolusyon at mag-imbestiga bilang gabay sa lehislasyon (investigate in aid of legislation). Gayundin ang kaso ng Pangulo at Pangalawang Pangulo. Mas nararapat nilang tutukan ang mga polisiyang may kinalaman sa pagpapatupad ng mga programa ng gobyerno. Ang mga partikular na proyekto ay hindi na nila dapat gawin.

Ang problema lang sa maraming nahalal na opisyal sa Malakanyang, Senado at House of Representatives, nakikita nila ang pangangailangang “magparamdam” sa kanilang nasasakupan, lalo na sa mahihirap. Nangangahulugan ito ng mapanlikhang pagpapakilala sa pamamagitan ng mga proyektong masasabing sa kanila at hindi sa mga katunggali sa politika. Sa ganitong konteksto nagiging kapansin-pansin ang naglalakihang billboard na ipinapangalandakan ang pagkakaroon, halimbawa, ng kalye, basketball court o multi-purpose hall. Ang mensahe ng mga patalastas na ito ay hindi magagawa ang mga proyekto kung wala ang “kabutihang-loob” ng isang opisyal.

Ang ganitong konsepto ng “serbisyo publiko” ay sadyang karumal-dumal. Higit pa sa “epal” na katangian nito, malinaw ang misrepresentasyon ng mga politiko. Ang perang ginamit para sa mga proyektong ito ay hindi mula sa bulsa ng mga opisyal kundi mula sa atin mismo! Pero bukod pa sa maling ideyang ibinibigay ng mga patalastas, tandaan nating may posibilidad ng korupsiyon sa paggamit ng PDAF lalo na’t napabalitang nakakakuha diumano ng kickback ang ilang taga-Senado at House of Representatives sa kanilang pakikipagsabwatan sa ilang indibidwal. Sa madaling salita, ang tinaguriang “kabutihang-loob” ng ilang opisyal ng gobyerno ay hindi para sa mga mamamayang dapat na pinaglilingkuran kundi para sa sariling patuloy na pinayayaman.

Sa sitwasyong ito, hindi nakagugulat ang kolektibong galit ng mamamayan. Sige, ipakita ang politikal na nararamdaman sa Lunes. Sige, irehistro ang personal na pinagdaraanan sa pamamagitan ng social media. Sige, makipag-ugnayan sa iba pang may parehong paninindigan.

Pero may tanong lang ako sa pagwawakas ng sanaysay na ito: Pagkatapos ng protesta sa Lunes, ano na? Babalik na ba sa pagtatrabaho o pag-aaral sa Martes at sasabihin sa sariling “Nagampanan ko na ang inaasahan sa akin”? Kontento ka na ba sa pagpunta sa Luneta at sa pagkuha ng ilang litrato para sabihing naroon ka?

Mula sa isang medyo nakatatanda, sana’y seryosong pag-isipan ang payo ko: Huwag ka lang magpunta. Magmartsa ka sa Luneta. Abangan mo ang iba pang indibidwal at grupo sa Liwasang Bonifacio bandang 9:00 ng umaga. Huwag kang mahiyang makipag-usap sa kanila habang naglalakad. Huwag kang matakot sa tila organisadong pagkilos nila, bukod pa sa pulang t-shirt na suot at bandilang iwinawagayway.

Sa aking pagkakaalam, nakatakdang magpunta sa Mendiola ang grupong ito pagkatapos ng pagtitipon sa Luneta. Gusto mo bang sumama? Sana naman. Ang isyu kasi ay hindi lang PDAF ng mambabatas kundi mismong pork barrel ng Malakanyang. Masyadong malayo ang Luneta para iparating sa Pangulo ang ating saloobin. Alam mo ring ang anumang protesta ay hindi dapat limitado sa simpleng paglalakad sa parke. Sa gitna ng ating personal na galit, ang mga politikal na kahilingan ay sama-sama nating igiit.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.


31 Agostong Tanaga ng Peryodista

$
0
0

 

August – the eighth month of the Gregorian calendar (Merriam-Webster app)
august – marked by majestic dignity and grandeur (Merriam-Webster app)
 

Agosto 1
Peryodistang makata
Nagpumilit tumula
May umakmang salita
Sa ritmo ng tanaga*

Agosto 2
Wala nang talinhaga
Para sa mambabasa
May mensaheng direkta
Ang kunyaring makata

Agosto 3
Ulat na mahalaga
Kailangang mauna
Maging masinop sana
Ang bidang peryodista

Agosto 4
May tanagang sinulat
Sa panahong tag-salat
Ayon kasi sa ulat
Walang pagkaing sapat

Agosto 5
Kalat ang kagutuman
Kapos sa kabuhayan
Kawawang kalagayan
Saan ka, katarungan?

Agosto 6
Saan nga ba ang daan
Papuntang katarungan?
Sana’y may kasagutan
Midyang inaasahan

Agosto 7
Ano ba naman ito?
Bakit kaya ganito?
Wala nang peryodismo
Puro lang eskapismo!

Agosto 8
Nagbabagang balita
Walang saysay na paksa
Panghatid lang ng saya
Pampataas ng kita

Agosto 9
Bangayan ng artista
Piging ng elitista
Pagandahan ng pusa
Ito ba ang balita?

Agosto 10
Puro lang kalokohan
Walang silbing tsismisan
Ganitong balitaan
Walang kahihinatnan

Agosto 11
Sa pagninilay-nilay
Nabubuhay ang saysay
Diwa’y sinasalakay
Ilusyon, pinapatay

Agosto 12
Kailangang matuto
Datos dapat kompleto
Kausapin ang tao
Lalo na ang eksperto

Agosto 13
Lipunang may pasanin
Patuloy na pansinin
Pagsusuring masinsin
Sana’y panatilihin

Agosto 14
Nang balita’y tumagos
Suriin po nang lubos
Hindi sapat ang datos
Sa pakikipagtuos

Agosto 15
Wag maging subhetibo
Gamitin ang talino
Isulong ang diskurso
Buuin ang konteksto

Agosto 16
Iulat ang totoo
Nang maging obhetibo
Lohikang bako-bako
Walang lugar sa mundo

Agosto 17
Ano’ng kinabukasan
Kung walang katuturan?
Pupunta sa kangkungan
Ang tulog sa pansitan

Agosto 18
Walang lugar ang mali
Sa sitwasyong tiwali
Batas na binabali
Para sa piling-pili

Agosto 19
Sila ang pinagpala
Sadyang nagpapasasa
Lipunang kontra-masa
Sila po ang gumawa

Agosto 20
Luhong tinatamasa
Luha para sa iba
Marunong bang mahiya
Silang ganid sa pera?

Agosto 21
Kung makapal ang mukha
Mabubundat ang bulsa
Aangkinin ang lupa
Kahit ng buong bansa

Agosto 22
Isulong, ipagkalat
Ito ang nararapat
Kailangang magmulat
Ang peryodistang tapat

Agosto 23
Balita ng nakawan
Ulat ng kababuyan
Nararapat tutukan
Ganitong kahayupan

Agosto 24
Kung nakakainsulto
Lalo na sa gobyerno
Wag pong magpapatalo
Gawin lang ang trabaho

Agosto 25
Mayroong pamantayan
Kung nais manindigan
Hangaring makabayan
Ituloy ang paggampan

Agosto 26
Kailangang isulat
Kagyat na isiwalat
Ulat na nag-uungkat
Tulang kayang magmulat

Agosto 27
Peryodistang may tindig
May laman ang pagtitig
Sa masa sumasandig
Malinaw ang pagpanig

Agosto 28
Peryodistang may maso
Makatang makatao
Ulat na may prinsipyo
Tulang taas-kamao

Agosto 29
Ulat ng aktibismo
Tanagang progresibo
Para sa Pilipino
Kahit na subersibo

Agosto 30
Konsepto ng agosto**
Dapat na isapuso
Marangal na diskurso
Susi sa peryodismo

Agosto 31
May dangal sa pagtula
Kahit hindi makata
Pagbati, peryodista
Tapos na ang tanaga

Malate, Maynila
Agosto 31, 2013

* Ang tanaga ay tulang binubuo ng apat na linya na may pitong pantig bawat linya. Ang makalumang tanaga ay may iisang tugma (AAAA). Pero sa modernong tanaga, hinahayaan na ang iba’t ibang porma ng tugma (halimbawa, AABB o ABAB), pati na ang malayang berso.

** Ang “august” sa wikang Ingles ay nangangahulugan ng “marked by majestic dignity or grandeur” (Merriam-Webster app). Bagama’t ang salitang “Agosto” sa wikang Filipino ay tumutukoy lang sa ikawalong buwan ng taon, ginagamit sa tulang ito ang “agosto” bilang direktang salin ng “august.”

FOI, CJA at ang argumentong `puwede na’

$
0
0

“Puwede na iyan!”

Ito ang madalas na argumento ng isang nagmamadali’t naiinip. Kung matagal na nga namang nakabinbin ang isang bagay, natural lang na kailangan na itong harapin at agad-agad na tapusin.

Nababanggit din ang tatlong salitang ito sa sitwasyong hindi malalimang sinuri ang isang bagay at mabilisan itong sinuportahan. Sa konteksto ng isang polisiya, posibleng nadala sa titulo o retorika ang isang indibidwal o grupo kaya hindi na pinag-aralan pa ang mga implikasyon ng pagpapatupad nito.

Hindi man tahasang sinasabi ng mangilan-ngilang kaibigan sa midya, ganito na ang nangyayari sa kaso ng panukalang Freedom of Information (FOI) Act. Pinag-usapan na ito ng iba’t ibang indibidwal at organisasyon noon pang 2001. Natatandaan ko pa ang taon dahil sumama ako sa ilang pagpupulong tungkol dito. Sa pagdaan ng panahon, alam nating lahat na paulit-ulit itong inihain sa Senado at House of Representatives (HOR) at paulit-ulit din itong hindi naipasa bilang batas.

Natural lang na mayamot sa nangyari noon at posibleng mangyari ngayon. Pero sa kabila ng retorika ng pagsuporta ng maraming mambabatas lalo na sa Senado, kailangan pa ring pag-isipan nang malalim ang mga bersyon ng panukalang batas sa FOI na nais maipasa.

Kung susuriin ang nilalaman ng walong panukalang batas sa Senado (Senate Bill Number [SBN] 18, 36, 44, 64, 74, 90, 217 at 514), wala itong masyadong pagkakaiba sa isinumiteng administration bill ng Malakanyang. Sa isang pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media noong Setyembre 4, sinabi mismo ni Undersecretary Manolo Quezon na natutuwa raw ang ehekutibo sa ganitong sitwasyon. Aba, kahit si Senador JV Ejercito (naghain ng SBN 217) ay sinabi rin ang pagkatuwa dahil ang taga-oposisyong katulad niya ay nasa panig ng administrasyon sa isyu ng FOI.

Bagama’t ang administrasyon at oposisyon ay natutuwa, pasensiya na kung ako ay hindi. May dalawang bagay akong hinahanap para mapalakas ang isang batas sa FOI. Sa puntong ito, mainam na balikan ang position paper ng aming kolehiyo (Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla ng UP Diliman).

  • “Sa konteksto ng transparency, kailangang may “sunshine clause” sa panukalang batas sa FOI para ma-declassify ang impormasyong may halagang historikal matapos ang 15 taon. (Labinlimang taon ang inirerekomenda dahil ito ang prescriptive period para sa paghahain ng mga kaso laban sa graft and corruption sa ilalim ng Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.)
  • “Kailangang may malinaw na probisyong nagpapahintulot sa mabilisang pagbibigay ng impormasyon sa mga peryodista at mananaliksik. Sa bersyon ng panukalang batas sa FOI sa Senado at Kamara de Representante, ang maksimum na waiting period na 15 working days ay maaaring magkompromiso sa pangangalap ng datos ng isang media practitioner.” (Para basahin ang buong teksto ng position paper, pumunta sa http://masscomm.upd.edu.ph/event/cmc-calls-authentic-freedom-information-act. Paglilinaw: Kasama ako sa pumirma sa pahayag na ito at ako rin ang pangunahing responsable sa pagsusulat nito.)

At kung pagbabatayan ang nangyari sa mga nakaraang kongreso, kailangan ding siguraduhing “walang probisyong nagpapahiwatig na ang FOI ay prospective o sumasaklaw lamang sa impormasyon sa kasalukuyan at sa hinaharap. Ang anumang pagtatangkang tanggalin ang pagiging retroactive ng batas ay magreresulta sa kawalan ng access sa mga lihim ngunit mahahalagang imporasyon noong nakaraang administrasyon.” Sinubukan kasi ng ilang miyembro noon sa HOR na isingit ang probisyong ito para hindi maungkat ang kanilang nakaraan, lalo na noong panahon ng Batas Militar.

Kailangan ding idagdag ang pangangailangang huwag ilagay ang “rider provision” tungkol sa “right of reply” na naging mainit na isyu rin noon. Sa mga hindi pa pamilyar, ang “right of reply” ay tinututulan ng maraming peryodista dahil kinokompromiso nito ang editorial independence ng isang organisasyong pang-midya. Hindi kailangang isabatas ang kalakaran sa midya, lalo na ang obhetibong pamantayan ng pagbabalita. Ang anumang pagkukulang sa pag-uulat ng midya ay puwede namang idulog sa iba’t ibang organisasyong labas ng gobyerno tulad ng Philippine Press Institute at Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas.

Ang tanong sa puntong ito: Bakit hindi pinapansin ang panawagang maglagay ng “sunshine clause” at probisyon para sa mabilisang pagbibigay ng impormasyon sa mga peryodista’t mananaliksik?

Una, hindi naman totoong “transparent” at “accountable” ang administrasyong Aquino. Bagama’t may impormasyong inilalahad sa publiko, hindi pa rin ibinibigay ang buong konteksto sa maraming isyu. Sablay ang paliwanag, halimbawa, ng tagapagsalita ng Pangulo sa isyu ng “special treatment” na ibinibigay kay Janet Lim-Napoles na nagnakaw diumano sa kaban ng bayan. At kung mas susuriin nang malaliman pa, kapansin-pansin din ang malinaw na pagtatakip sa epekto ng globalisasyon sa malawakang paghihirap ng mamamayan – mababang pasahod, mataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo, kawalan ng lupa para sa mga magsasaka’t katutubo at marami pang iba.

Ikalawa, may pagtingin ang ilang kaibigan sa midya na magiging para sa mga peryodista lang ang batas sa FOI kung isasama ang probisyon tungkol sa mabilisang pagbibigay ng impormasyon sa kanila. Wala namang debate sa puntong ang FOI ay para sa lahat ng mamamayan at hindi lang ito para sa mga peryodista. Pero tandaan nating ang pangunahing makikinabang sa mabilisang pagbibigay ng impormasyon ay ang mga mamamayang gutom sa impormasyon. Bilang pangkalahatang sanggunian ng impormasyon, kailangang magkaroon ng mabilisang access sa impormasyon ang midya dahil hindi akma sa araw-araw na gawain ng mga peryodista ang patagalin pa ang anumang kahilingan para makakuha ng impormasyon mula sa mga ahensiya ng gobyerno.

Ikatlo, may mangilan-ngilang indibidwal at grupo na nadala sa ganda ng retorika ng “freedom of information” lalo na’t malinaw na nakasulat sa panukalang batas na “All Government Information is Owned by the People and that public access to all government information, as a general rule, serves the public interest and exceptional instances restricting access thereto, as provided herein, shall only be allowed also by reason of public interest. (Sec. 2, Declaration of Policy, SBN 64)” Opo, sinadyang isulat sa malalaking titik ang ilang salita para lumabas na “pogi” ang pamahalaan. Ito po kasi ang titulo ng panukalang batas: People’s Ownership of Government Information (POGI) Act of 2013.

Sa aking pagbabasa ng SBN 64 at iba pang mga nakahaing panukalang batas na may kinalaman sa FOI, naaalala ko ang isa pang batas na ipinasa 22 taon na ang nakaraan – ang Republic Act No. 7079 o Campus Journalism Act (CJA) of 1991. Kung mayroon mang malaking pagkakamali ang maraming kabataang grupo noon, ito ay ang pagsuporta sa isang batas na bagama’t maganda ang nilalaman sa unang tingin ay puwede palang gamitin para supilin ang kalayaan sa pamamahayag sa kampus.

Narinig ko noong maagang bahagi ng dekada 90 ang argumentong “puwede na” kaugnay ng CJA kahit na ginagamit na ito ng ilang administrador para isara ang publikasyong pang-kampus ng kanilang paaralan. May ilang lider-estudyante pa ngang nagsabing ang anumang pagkukulang ng mismong batas ay matutugunan naman ng implementing rules and regulations (IRR). Pero sa paglipas ng panahon, naging kapansin-pansin na ang mismong batas ang problema.

Una, hindi malinaw na nakasulat ang mandatory collection ng publication fees kaya nakayang patayin ang publikasyong pang-kampus sa simpleng polisiyang hindi pagkolekta ng administrasyon tuwing bayaran ng matrikula. Ikalawa, hindi malinaw ang ibig sabihin ng “technical guidance” na dapat ibigay ng publication adviser kaya naging posible ang pagiging tulay niya para pakialaman ng administrasyon ang nilalaman ng publikasyon.

Kung may aral na kailangang matutuhan 22 taon na ang nakaraan, ito ay ang pagtatanggal ng mentalidad na “puwede na” ang isang batas. Puwede kasi itong maging legal na batayan para supilin ang mga karapatang dapat na itinataguyod nito. Mahaba ang listahan ng mga kasalukuyang batas na tinututulan ng maraming mamamayan dahil sa mapanupil na katangian kahit na, sa unang tingin, maganda ang intensiyon ng mga ito – Human Security Act, Data Privacy Act, Cybercrime Prevention Act.

Sa kontekstong ito dapat intindihin ang pangangailangang baguhin ang panukalang batas na may kinalaman sa FOI para maging makatotohanan ang pagtataguyod ng kalayaan sa impormasyon. Sa aking propesyonal na opinyon, ang maaaring gawing batayan ay ang House Bill No. (HBN) 347. Bukod sa nilalaman nito ang “sunshine clause” at mabilisang pagbibigay ng impormasyon sa mga peryodista, hindi mahaba ang listahan ng exceptions kumpara sa mga bersyon ng administrasyon at Senado.

Sadyang kailangang ulit-ulitin ang argumentong hindi katanggap-tanggap ang kasalukuyang bersyon ng FOI lalo na’t kung pagbabatayan ang nangyari sa CJA. Nabubuhay kasi tayo sa isang sitwasyong may mga batas na ginagamit hindi para palakasin ang kalayaan kundi lalo pang pahinain ito.

Puwede na iyan? Ang dapat na maging kolektibong sagot: Hindi puwede iyan!

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

The Voice of the Philippines at ang `tagumpay’ ni Darryl Shy

$
0
0

Simulan natin ito sa isang nakakagulat na pag-amin. Hindi ako noon tagahanga ni Darryl Shy.

Oo, kapuri-puri namang siya lang ang nag-audition sa The Voice of the Philippines (ABS-CBN) sa pamamagitan ng isang progresibong kanta – ang “Tatsulok” (Buklod) na paborito ng maraming aktibista noon pang dekada ’80. Pasensiya na po sa aking inisyal na obserbasyon, pero tiningnan ko ito bilang isang taktika lang para makuha ang atensiyon ng isa sa mga hurado – si Bamboo na gumawa ng cover version ng kanta noong 2007.

Tulad ng inaasahan, napangiti si Bamboo sa simula. “That’s mine!” sabi ni Bamboo habang nakatalikod ang kanyang silya kay Darryl. Sa bandang huli, dalawa lang ang pumili sa nakasombrerong folk singer na mula sa Baguio, at si Bamboo ay hindi isa sa mga ito. Alam na natin ang kasunod na nangyari: Dahil kailangang pumili ni Darryl kung kanino mapupunta – sa pangkat ni Lea Salonga o ni apl.de.ap, nagdesisyon si Darryl na kunin bilang coach si Lea.

Sa aking paminsan-minsang panonood ng programa tuwing Sabado’t Linggo ng gabi, hindi ko na siya masyadong napansin. Sa katunayan, aaminin kong nakalimutan ko na ang kanyang pagsali sa The Voice of the Philippines at mas binigyang-pansin ang iba pang mang-aawit na nagpapakita ng galing sa pagkanta. At ano naman ang pamantayan ng kagalingan? Siyempre’y nananatiling batayan ang musika sa kanluran.

Sa gitna ng nangingibabaw na kolonyal na katangian ng industriyang pangmusika (bukod pa sa katotohanang ang The Voice mismo ay mula sa mga dayuhan), inaasahan kong halos lahat ng mga naglalaban-laban ay gagamit ng mga piyesang Ingles. At kahit na may mga awit sa wikang Filipino, pipilitin pa ring kantahin ang mga ito batay sa kung ano ang katanggap-tanggap sa mga dayuhan, lalo na ang pagggamit ng tinatawag na “money notes” sa pamamagitan ng pagbirit. Sa ngayon, malinaw kasing pataasan ng boses ang labanan lalo na sa Hollywood. Sa ganitong konteksto marahil maiintindihan kung bakit ang malalakas na contestant sa The Voice of the Philippines ay pawang matataas din ang boses.

Masasabing naiiba si Darryl dahil hindi siya “biritero.” At kung ang iba’y kayang sumayaw at lumibot sa entablado habang hawak ang mikropono, si Darryl naman ay kadalasang nasa isang puwesto lang dahil kumakanta siya habang tumutugtog ng gitara. May pambihirang kombinasyon ang kanyang boses at musikang mula sa gitara dahil nararamdaman mong tumatagos ang mensahe ng liriko sa isip at sa puso. Ang kanyang paminsan-minsang pagyuko’t pagpikit ay naghahatid ng halo-halong mensahe – pagsusumamong pakinggan ang kanyang awit at pag-eengganyong intindihin ang kanyang mensahe.

Oo, kakaiba siya pero hindi ko siya pinapansin noon. Masasabing napukaw niya ang aking atensiyon sa labas ng programang The Voice of the Philippines. At may kinalaman ito sa isang kilos-protesta noong kalagitnaan ng Agosto.

Sa kalagitnaan kasi ng kampanya laban sa planong pagtataas ng pamasahe sa LRT at MRT, nanawagan ng isang “selfie protest” ang ilang organisadong grupo para irehistro ang pagtutol ng malawak na mamamayan. Simple lang naman ang pakiusap sa mga Pilipinong nais makilahok: Kunan ng litrato ang sarili na may hawak na mensaheng “No to LRT/MRT Fare Hike.”

Nagulat ako nang makita ko ang selfie protest” ni Darryl sa kumalat sa social media. Malinaw na ginamit niya ang kanyang “celebrity status” para lalo pang lumakas ang kampanya laban sa isang kontra-mamamayang plano ng pamahalaan. Kung tutuusin, hindi niya kailangang gawin ito. Puwede mo pa ngang sabihing magkakaroon ng negatibong epekto sa kanya ang makisawsaw sa politika, lalo na’t may kinalaman ito sa pagbatikos sa mga nasa kapangyarihan.

Mula noon ay napansin ko ang kanyang sinseridad bilang artista at aktibista. Nang binalikan ko ang kanyang blind audition, doon ko mas lalong napansin ang kakayahan niyang bigyang-linaw ang mensahe ng kantang “Tatsulok.” Tila pasigaw pala niyang kinanta ang salitang “baliktarin” sa linyang “Totoy kumilos ka, baliktarin ang tatsulok / Tulad mong mga dukha ang ilagay mo sa tuktok.”

Higit pa sa talento sa pag-awit, kapansin-pansin ang “pag-aangkin” niya sa kanta para maipamahagi ito sa mga nais makinig. Malinaw ang pagkakamali ng aking inisyal na obserbasyon: Bagama’t nasa apat na coaches ng The Voice of the Philippines ang desisyon ng kanyang pagpasok sa kompetisyon, kumanta siya hindi para sa kanila kundi para sa madla.

Noong Agosto 25, kinanta ni Darryl ang “Danny’s Song” (Loggins at Messina, 1971) sa live show ng programa. Dahil nagustuhan ng maraming tagasubaybay ang kanyang pagkanta, nakapasok siya sa susunod na round. Sa loob-loob ko, buti naman at nakapasok siya. At siyempre pa, buti naman at hindi nakaapekto ang paglahok niya sa “selfie protest.

Ang hindi ko inasahan ay ang nangyari kinabukasan. Maraming artistang nagpunta sa Luneta noong Agosto 26 dahil sa tinaguriang Million People March laban sa pork barrel. Ang iba sa kanila’y nanggaling pa nga sa Manila Hotel para kumain o magpatay ng oras bago ang malawakang aktibidad. Tulad ng inaasahan, hindi nila piniling sumama sa martsa sa Mendiola. Ano nga ba naman ang mapapala nila sa pagsama sa mga aktibista?

Pero kakaiba si Darryl. Pagdating na pagdating ng mga aktibista sa Mendiola, agad-agad siyang nagpakita’t nagpaunlak ng dalawang kanta – “Tatsulok” (Buklod) at “Balita” (Asin). Mula sa malaking entablado ng Resorts World Manila, pinili ni Darryl na kumanta sa isang maliit na trak na nagsilbing masikip na entablado sa kilos-protesta sa Mendiola.

Sa kanyang muling pagsabak sa The Voice of the Philippines noong Setyembre 8, nakalaban niya ang isa sa pinakamalakas na kalahok sa kompetisyon. Para makapagpatuloy, kailangan ni Darryl na makuha ang pinakamataas na pinagsamang boto mula sa publiko at mula sa kanyang coach na si Lea.

Pinili ni Darryl na kantahin ang “Balita” na una kong narinig sa Mendiola. Ang katunggali naman niya’y kinanta ang “Paano” at ipinakita niya ang kanyang galing sa pagbirit. Aaminin kong inaasahan ko ang pagkatalo ni Darryl dahil hindi hamak na mas popular sa publiko ang kanyang katapat.

Pero nagulat ako sa resulta. Sa boto ng publiko (batay sa text at online voting), lumabas na nakuha ni Darryl ang 55.89 porsiyento. Pero dahil ang kanyang katunggali ay binigyan ng 60 porsiyento ni Lea, natanggal si Darryl sa kompetisyon. Sa madaling salita, pinili si Darryl ng publiko pero mas gusto ng coach ang katapat niya.

Tulad ng iba pang may progresibong paninindigan, ikinalungkot ko ang nangyari. Pero ikinatuwa ko ang sitwasyong mas maraming tagasubaybay ng palabas na mas pinili ang napapanahon at makabuluhan.

Kapuri-puri ang mga artistang handang gamitin ang kanilang kasikatan para sa makabuluhang gawain, lalo na’t may kinalaman ito sa pagkondena sa kalakaran ng ating lipunan. Sana’y marami pang tulad ni Darryl Shy na magtataguyod ng esensiya ng pagbibigay-aliw – isang paraan para alamin ang katotohanan at hindi para pansamantalang takasan ito.

Nawala man si Darryl sa The Voice of the Philippines, inaasahan kong patuloy pa rin siyang magiging boses ng maraming naghihirap na mamamayan sa pamamagitan ng kanyang mga awit. Ang kanyang pagsama sa mga sunod-sunod na kilos-protesta laban sa pork barrel system noong Setyembre 11 at 13 ay repleksiyon ng tagumpay na nakakamtan niya ngayon.

Dahil kay Darryl, may dagdag na motibasyon ang mga ordinaryong mamamayan na pumunta sa mga kilos-protesta. Ito ang pagkapanalong higit pa sa kompetisyon sa telebisyon.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Pagkamulat sa panahon ng Batas Militar

$
0
0

Ipinanganak ako sa gitna ng nagkukunwaring katahimikan. Lumaki naman ako sa panahon ng aktwal na kaguluhan.

Setyembre 21, 1968. Dahil mula sa ordinaryo’t hikahos na pamilya, walang espesyal sa aking araw ng kapanganakan. May ilang kamag-anak na natuwa sa aking pag-uha. Ang aking pag-iyak kasi ay nagsilbing pagpapakilala sa lipunang gagalawan. (Ano kaya ang gustong sabihin ng isang sanggol sa kanyang paglabas sa sinapupunan ng ina? Sa pagitan ng mga iyak, siguro’y gusto na niyang itanong: “Anong klaseng mundo ba ang naghihintay sa akin? Tama bang ipanganak sa panahong tulad nito?”)

Pinalaki akong masunurin sa nakatatanda, lalo na sa mga kamag-anak. Tuwing uutusan akong bumili sa malapit na tindahan, hindi ko pinapatagal ang paglabas ng bahay. Kahit yayain akong maglaro ng kaibigan, tumatanggi ako dahil kailangang mabilis na makapunta sa tindahan. At kung magpapaalam para makipaglaro sa kaibigan, hindi masyadong sumasama ang loob ko kung hindi nila papayagan. Para sa akin, hindi sila dapat hingan ng paliwanag. Dahil nakatatanda, sila ang tama, hindi ba?

Ganito pa rin ang aking pangkalahatang kaisipan sa panahong handa na akong magsuot ng uniporme at magbuhat ng bag na puno ng mga libro’t notebook. Sa kabila ng kahirapan, pinag-aral ako hindi sa pampubliko kundi sa pribadong paaralan. At dahil pinatatakbo ito ng mga pari, may Katolikong tunguhin ang paghuhubog ng murang isipan.

Naikintal sa aking utak na dapat maging masunurin hindi lang sa nakatatanda kundi sa isang diyos na alam ang lahat ng aking ginagawa. Tandang-tanda ko pa ang madalas sabihin ng mga pari: “Kung ikaw ay may kasalanan, humingi sa diyos ng kapatawaran. Kung may pagkukulang sa iyo ang kapwa, bahala na ang diyos sa kanya.”

Matakot sa nakatatanda, matakot sa diyos. Naging bulag na tagasunod ako, pati na ang mga kalaro’t kaklase ko. Lahat ng iuutos, kailangang gawin. Kung may paring mag-uutos na linisin ang kanyang opisina, kailangang mabilis na gawin ito. Dapat na makintab ang sahig at natanggal lahat ng alikabok sa silya’t mesa. Kung hindi masinop sa gawain, magkakaroon ng malaking kasalanan hindi lang sa pari kundi sa “Kanya.”

Muli, matakot ka! Ang anumang pagsaway ay may katapat na parusa. Puwedeng paluin gamit ang sinturon o paluhurin sa asin. Kung medyo masuwerte, patatayuin na lang sa sulok para pag-isipan nang mabuti ang naging kasalanan.

Kung paniniwalaan si Nanay, tahimik lang daw akong bata – may pagka-introvert pa nga dahil gusto ko raw parating mag-isa. Bagama’t may ilang kaibigan at kalaro, iba pa rin ang kasiyahan ko tuwing solo kong pinaglalaruan ang aking paboritong bola o trumpo. Umiiyak pa nga raw ako kapag may mga hindi-kilalang bisita sa bahay at tumatahan lang kung nakaalis na sila. At para ipamukhang ayaw ko sa kanila, umaakyat ako ng bahay para hindi ko sila makita’t hindi nila ako maistorbo.

Sadyang malaki ang pagpapahalaga ko sa personal na espasyo. Dala-dala ko ang pagiging “loner” sa aking pag-aaral sa elementarya at hayskul. Ayaw ko noon ng mga group work dahil nangangahulugan ito ng pakikisalamuha sa mga kaklase, kahit marami naman sa kanila’y mababait naman. Pero dahil masunurin sa titser, kailangan kong sundin ang mga alituntunin.

Taong 1982. Dahil pinagbuti ko ang aking pag-aaral, nakakuha ako ng maraming pang-akademikong karangalan sa aking pagtatapos sa elementarya. Para sa akin noon, ang mahalaga lang ay ang apat na sulok ng paaralan. Dala-dala ko ang pagiging masunurin at mapag-isa sa aking pagtuntong sa hayskul. Bagama’t pinag-aaralan din sa Agham Panlipunan (Social Studies) ang mga nangyayari sa lipunan, masasabing wala akong pakialam sa politika at ekonomiya ng bansa. Positibo para sa akin ang bulag na pagsunod. Ang aking takot sa nakatatanda at sa kinikilalang diyos ay pangunahing katangian ng aking katauhan.

Batas Militar? Alam ko naman iyon, batay sa “opisyal” na impormasyong ibinalita ng midya at itinuro ng mga guro kong suportado ang diktadura. Naniwala ako noon sa kabutihan ng disiplinang ipinapalaganap ng pamahalaan, lalo na ng mga pulis at sundalo. Galit ako noon sa mga komunista. Sila raw kasi ang dahilan kung bakit napilitan diumano si Pangulong Ferdinand Marcos na ideklara ang Batas Militar sa mismong ikaapat kong kaarawan – Setyembre 21, 1972.

At dahil tumapat sa kaarawan ko ang Batas Militar, marami sa mga guro’t kaklase ko ang nagsabing dapat na sumunod ako sa mga yapak ni Marcos. Matalino raw kasi siya. Ang anumang batikos laban sa kanya ay gawa-gawa lang ng mga inggitero’t walang alam. Dapat lang na suportahan ang kanyang administrasyon, lalo na’t ilang beses niyang ipinangakong “This nation shall be great again.”

Nasira ang aking pagiging masunurin at mapag-isa sa aking pagtuntong sa ikalawang taon sa hayskul. Naaalala kong nasa bahay ako nang pumutok ang balita tungkol sa pinatay sa tarmac ng airport. Petsa: Agosto 21, 1983. Biktima: Ninoy Aquino, dating senador.

Hindi naging sapat ang “opisyal” na impormasyong mula sa midya para komprehensibong masagot ang maraming tanong. Bakit siya pinatay kasama ni Rolando Galman? Totoo bang si Galman ang pumatay sa kanya o biktima rin siya? Kung hindi si Galman, sino ang pumatay kay Aquino? Muli, bakit kailangan siyang patayin ng mga kaaway niya?

Mula sa pagtatanong, natuto akong humanap ng sagot. Ang dating mahiyain at mapag-isa’y natutong makihalubilo, lalo na sa mga okasyong kinailangan ng organisadong pagkilos laban sa diktadura. Ang pagbabasa ay ginawang regular na gawain hindi para mapataas ang pang-akademikong katayuan kundi para mapataas ang politikal na kamalayan. Kung sa murang edad ay simpleng kulay lang ang pagtingin ko sa dilaw at pula, unti-unti kong nakita ang politikal na simbolismo ng mga ito. Bagama’t may una akong pagkiling sa “dilaw” na siyang kulay ng oposisyong pinamunuan noon ni Aquino, nakita ko rin ang lohika ng ipinaglalaban ng “pula” sa kabila ng napakaraming black propaganda laban sa mga diumanong komunista.

Sa personal na antas, nawala ang aking mataas na pagtingin kay Marcos. Pinili ko nang huwag sumunod sa mga yapak niya. Para sa mga guro kong sumuporta noon sa diktadura, nanghinayang sila sa akin at ipinakita nila ito sa pamamagitan ng malamig na pakikitungo sa akin. Pero dahil naigpawan ko na ng pagiging bulag na tagasunod sa awtoridad, ginawa ko ang sa tingin ko’y nararapat at lalo kong pinayaman ang aking politikal na perspektiba.

Oo, lumaki ako sa panahong maraming mamamayan ang naging bulag sa katotohanan. Pero tulad ng iba pa, namulat din ako sa tunay na kalakaran ng lipunan. Nagkukunwaring katahimikan, aktwal na kaguluhan. Sadyang malaking ilusyon ang ating paligid kaya kinakailangang patuloy na suriin ang lahat ng mga pangyayari.

At sa pagsusuri ng nakaraan at ng kasalukuyan, mas lalong nagiging mahalaga ang kontekstong panlipunan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Mark Joseph Solis, plahiyo at makabuluhang kritisismo

$
0
0

Photo grabber, photo thief, plagiarist. Makikita ang mga salitang ito kung gagawa ka ng Google search sa pangalang “Mark Joseph Solis.”

Matatandaang inamin ni Solis noong gabi ng Setyembre 22 ang paggamit ng larawan ni Gregory John Smith mula sa Flickr account ng huli para isumite sa patimpalak na 2nd Calidad Humana National Essay Photography Competition ng embahada ng Chile. Sa pamamagitan ng larawan ni Smith, nanalo si Solis ng unang gantimpala. Nakakuha siya ng premyong $1,000, bukod pa sa “high-end mobile phone” at roundtrip ticket papuntang Brazil at Chile.

Kaakibat ng pag-amin ni Solis ay ang pagsauli sa mga premyo. Batay sa kanyang mga panayam sa midya, inamin niya ang pagkakamali at humingi siya ng paumanhin hindi lang kay Smith kundi maging sa embahada ng Chile at sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) na nadawit sa kontrobersiya.

At bakit nga naman hindi madaramay ang UP sa isyung ito? Nagtapos si Solis ng Bachelor of Arts (BA) in Political Science at kasalukuyang kumukuha ng Master of Public Administration (MPA) sa UP Diliman. Siyempre’y pagpipiyestahan ng midya at ng publiko ang kontradiksiyong ang pambansang unibersidad na nagtataguyod ng pinakamataas na pamantayan ng karangalan at kahusayan (“honor and excellence”) ay magkakaroon ng isang estudyanteng katulad ni Solis.

Sa ngayon, ang opinyong pampubliko ay hindi pabor kay Solis. Malaking kahihiyan kasi ang ginawa niya hindi lang para sa UP kundi para sa buong bansa. Naunsyami, halimbawa, ang plano ng Department of Tourism (DOT) at Department of Foreign Affairs (DFA) na gamitin ang entry ni Solis sa marketing campaign ng Pilipinas sa ibang bansa. Pero higit pa sa naunsyaming plano, malaking kahihiyan din ang idinulot nito sa embahada ng Chile na nag-organisa ng patimpalak na may temang “Smiles for the World.”

Paano ka nga ba naman mapapangiti sa sitwasyong ito? Bagama’t inamin ni Solis ang kanyang pagkakamali, ginamit naman niya bilang depensa ang kanyang pagiging bata. Sabi ni Solis sa kanyang sulat kay Smith na ibinahagi rin niya sa Rappler, “I was driven by my youth, lack of experience, and the inability to see the repercussions of my actions. The sheer amount of the prize, the stiff competition, and the unique opportunity to be abroad blinded me from undertaking what is supposed to be an honest and a rightful conduct. It was a regrettable lapse on my judgment, and no words can express how sorry I am for taking (Smith’s) photo as mine.” Sa mga sumunod niyang panayam sa midya, binanggit din ni Solis ang kahirapan bilang dahilan ng kanyang pagsali sa mga photo contest gamit ang mga larawang hindi kanya.

Sa aking pagbabasa ng kanyang sulat para humingi ng paumanhin, naalala ko ang mga kaso ng plahiyo (o plagiarism) na isinampa sa ilang estudyante sa UP Diliman sa mga nagdaang taon. Bagama’t hindi ko puwedeng banggitin ang detalye, maraming beses ko nang narinig ang argumentong ang mga akusado ay masyado raw “pressured” sa napakaraming pang-akademikong gawain kaya napilitan na lang silang mag-“copy and paste” ng mga materyal na madaling makuha mula sa Internet. Gayundin ang nangyari sa kaso ng isang estudyanteng napatunayang ipinasa sa propesor ang litratong hindi pala kanya. Umiiyak na binanggit ng estudyante sa akin na naging desperado siya sa pagkakataong iyon at akala niya’y hindi siya mabibisto.

Dahil sa katangian ng plahiyo, nangyayari lang ang pag-amin o pagtanggi pagkatapos malaman ito bunga ng isang reklamo. Naging kakaiba lang ang kaso ni Solis dahil hindi lang pala isang beses niyang ginawa ang pag-aangkin ng mga larawang hindi naman kanya. Kung paniniwalaan nga ang ebidensiyang kumakalat sa social media, lumalabas na mula pa noong freshman siya sa UP ay ginagawa na raw niya ito. May mga nagsasabi pa ngang hindi naman talaga mahirap si Solis kaya nagsinungaling daw siya sa kanyang panayam sa midya. Totoo kaya ang mga argumentong ito?

Sa ganitong konteksto nagkakaroon ng iba pang termino para ilarawan si Solis – scumbag, sociopath, serial plagiarist at iba pang salitang pinili kong huwag banggitin sa sanaysay na ito. Patuloy ang pagkondena sa kanyang ginawa habang may ilang nag-aalipusta sa kanyang pagkatao, pati na rin sa kanyang pamilya. Sa katunayan, ang mga dati nang galit sa UP sa kung anumang dahilan ay mas lalo pang nakahanap ng dahilan para lalo pang manlait sa pamantasang hirang.

May dahilan ba para magalit? Oo, dahil hindi katanggap-tanggap ang ginawa ni Solis. Sa kabila ng kanyang mabilis na pag-amin sa kasalanang ginawa, kailangan pa rin siyang maimbestigahan at maparusahan. Kung ito ay nangangahulugan ng suspensyon sa loob ng isang taon o expulsion sa UP Diliman (ito kasi ang parusa sa intellectual dishonesty kabilang ang plahiyo), dapat lang na ipataw ito sa kanya. Kung ang ibang estudyante ng UP Diliman na umaming nag-plagiarize ay na-suspend o na-expel, hindi ba’t dapat lang na mangyari din ito kay Solis? (Bagama’t maaaring maging depensa ni Solis ang sitwasyong ang photo contest ng embahada ng Chile ay labas sa kanyang pang-akademikong gawain, puwede rin namang maging argumento ng administrasyon ng UP Diliman ang misrepresentasyong ginawa niya bilang estudyante ng UP.)

Pero anuman ang kahihinatnan ng imbestigasyong inaasahang gagawin ng administrasyon ng UP Diliman, may tanong lang ako sa puntong ito: May batayan ba ang panlalait sa kanyang pagkatao at pagdamay sa mga miyembro ng kanyang pamilya? Kung ako ang tatanungin, ang aking mabilis na sagot ay hindi. Isipin nating mabuti: Labas na sa isyu ng plahiyo ang anumang personal na atake. Hindi nagbibigay ng dagdag na ebidensiya ang mabulaklak na pananalita. Hindi napapataas ang antas ng diskurso sa pamamagitan ng pagmumura.

May dahilan para magalit. Walang dahilan para manlait. Kahit negatibo laban kay Solis ang kritisismo, puwede pa rin naman itong maging makabuluhan kung pag-iisipan hindi lang ang mga salita kundi ang mga argumento. At kung walang maidaragdag para mapataas ang antas ng diskurso, mas mainam na huwag magkomento at pag-isipan muna ang paninindigan.

Sa panahon ng social media tulad ng Facebook at Twitter, ang mga online user ay nakakatulong sa paghubog ng opinyong pampubliko sa pamamagitan ng pagpapahayag ng kanilang saloobin. Ang anumang ibinabahagi sa komunidad na online ay nagiging bahagi na ng tinatawag na public sphere. At dahil ang online user ay naiimpluwensiyahan ang opinyon ng iba, parati nating tandaang walang sinuman ang nararapat na ma-cyberbully. Malinaw mang may kasalanan si Solis, hindi siya dapat murahin.

Sa pamamagitan ng makabuluhang diskurso, may paraan para iugnay ang personal na pagkatao sa panlipunang konteksto. Nagiging posible rin ang pagpapahayag ng galit sa paraang hindi nanlalait.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

 

World Teachers’ Day, pagtuturo at aktibismo

$
0
0

Guro, aktibista. Trabaho ko ang una. Ano naman ang ikalawa? Ewan ko.

Noon pa man, hindi ako komportableng matawag na aktibista. Bagama’t masasabing progresibo ang pananaw ko (puwede mo pa ngang sabihing “subersibo”), hindi pa rin ito sapat para gamitin ang salitang “aktibista” katabi ng pangalan ko.

Simple lang ang aking argumento: Para sa akin, ginagamit ng isang “tunay” na aktibista ang buong buhay niya para sa adhikaing mas mataas pa sa kanya. Tinitingnan niya ang kanyang gawain bilang politikal na tungkulin. Wala siyang pakialam sa suweldo dahil wala siyang konsepto ng trabahong hiwalay sa kanyang personal na pagkatao. Para sa isang aktibista, ang personal ay politikal. Lahat ng ginagawa niya ay para sa ideolohiyang handa niyang itaguyod hanggang sa kanyang pagtanda.

FT o full-time. Ito ang terminong ginagamit sa ilang indibidwal na pinili ang buhay-aktibista. Wala silang buwanang suweldo. Ang nakukuha nila ay kakarampot na politikal na subsidyo. Umaasa lang sila sa donasyon ng mga taong may pera’t nakikisimpatiya sa gawain nila. Malinaw na wala silang pinansyal na benepisyo. Sa katunayan, pinili nila ang buhay na puno ng sakripisyo!

Ganito ba ang kaso ko? Hindi po. Regular kasi akong sumusuweldo at may seguridad na sa trabaho. Puwede mo pa ngang sabihing alipin ako ng isang sistemang pinipilit baguhin ng mga aktibista. Maraming kompromiso sa aking trabaho, at kasama na rito ang paminsan-minsang pagkalimot sa aking “subersibong” prinsipyo.

Bilang guro kasi sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) na isang state university, bahagi ako ng makinarya ng gobyeno. Kahit na sabihing may mahaba’t makulay na kasaysayan ng aktibismo sa UP, lalo na noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos (1965-1986), hindi pa rin maitatanggi ang papel ng unibersidad sa pagpapanatili ng “bulok na sistema,” kung gagamitin ang termino ng mga aktibista. Bagama’t hindi naman direktang kasalanan ng UP ang pagkakaroon ng alumni na katulad ng diktador na si Marcos, may malaking responsibilidad pa rin ang tinaguriang pambansang unibersidad ng bansa sa pagpapalaganap ng mga teorya’t polisiyang nagpapahirap sa maraming mamamayan.

Saan ba madalas manggaling ang mga argumentong pabor sa anti-mamamayang globalisasyon at sa tatlong elemento nitong liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon? Sino-sino ba ang mga pangunahing naglabas ng mga pag-aaral na ginagamit ng gobyerno para panatilihin ang isang panlipunang kaayusang pinapakinabangan lang ng iilan? Saan ba kadalasang kumukuha ng mga consultant o opisyal para sa neoliberal na burukrasyang nagsisilbing mekanismo ng pang-aapi sa nakararami? Malinaw ang sagot: UP.

Mahirap maging guro sa UP kung ikaw ay kritikal sa neoliberal na kaisipan at sa mismong patakaran ng globalisasyon. Bukod sa pagiging bahagi ng minoryang madalas na bansagang “maiingay na aktibista,” nariyan ang malaking posibilidad na hanapan ka ng “butas” para matanggal sa trabaho. Ganyan ang nangyari sa isang aktibistang propesor noong 2008. Inabot ng tatlong taon bago niya nakuha ang kanyang tenure o seguridad sa trabaho. Kinailangan din niyang lumipat sa ibang yunit sa UP Diliman dahil ayaw na sa kanya ng mga dati niyang kasama sa departamento. Kung hindi siya ipinaglaban ng ilang progresibong guro’t estudyante ng UP at iba pang unibersidad (umabot pa nga ang kampanya sa labas ng akademya ng Pilipinas), malamang na ipinagkait sa kanya ang tenure bunga ng kanyang pagiging aktibista.

Sa kabila ng sitwasyong ito, may limitadong espasyo pa naman para sa mga progresibong guro sa pamantasang hirang. Hindi tulad ng ilang pribadong kolehiyo o unibersidad na basta-basta na lang pinag-iinitan ang mga gurong sa tingin nila’y “nanggugulo” lang, nabibigyan naman ng pagkakataon ang mga progresibong guro sa UP na ipahayag ang saloobin nila. Gusto nilang magsagawa ng kilos-protesta? Sige lang. Gusto nilang mag-ingay? Walang problema.

Pero ano ang mangyayari sa panahon ng ebalwasyon, lalo na sa mga progresibong temporary faculty? Sabihin na lang nating tulad ng lipunang ating ginagalawan, matindi rin ang politika sa akademya. Hindi pabor sa iyo ang sitwasyon kung hindi mo kasundo ang mga nasa kapangyarihan. Alam mo ba ang kuwento tungkol sa isang gurong natanggal dahil galit sa kanya ang tagapangulo ng departamento? Nabalitaan mo ba ang gurong napilitang magbitiw sa tungkulin dahil hindi niya masikmurang mas mataas ang ranggo ng mga kasama niyang hindi naman nagsasaliksik at hindi pumapasok sa klase?

Kung interesado kang malaman, naranasan ko rin ang politika sa simula pa lang ng pagpasok ko bilang full-time faculty sa UP Diliman noong 2001. Dahil progresibo, hindi nakakagulat na agad akong sumabak sa iba’t ibang kampanya sa kampus, lalo na’t kainitan noon ng isyu sa pagbabago sa general education (GE) program para gawin itong market-oriented sa buong UP System. Pinagsabihan ako noon ng ilang kapwa guro na maghinay-hinay lang sa pananalita laban sa administrasyon. Mahirap daw magalit ang nakatataas, lalo na ang ilang opisyal ng aming kolehiyo. Sagot ko naman, “Bakit naman ako tatahimik kung alam kong may mali?”

Malakas ang loob kong manindigan sa simpleng dahilan: Kasama ko ang iba pang progresibong guro at alam kong hindi nila ako iiwan kung sakaling magkagipitan. Kung ang ibang organisasyon ay pera ang sukatan ng pagtatrabaho, ang progresibong organisasyon ay ginagamit na sukatan ang prinsipyo. Hindi simpleng retorika lang ang paglilingkod sa bayan dahil araw-araw itong ginagawa.

Pero iba pa rin ang mga “tunay” na aktibista. Ang paglilingkod sa bayan ay may halong pagsasakripisyo ng personal na kinabukasan para tuluyang baguhin ang lipunan. Ang anumang pinansyal na pangangailangan ay hindi alam kung matutugunan. Wala silang ilusyong magpayaman o kahit magkaroon man lang ng komportableng buhay. Ang tahimik na buhay ay hindi para sa kanila kaya pinipili nilang mag-ingay!

Sa okasyon ng World Teachers’ Day ngayong Oktubre 5, mainam na bigyang pugay ang mga gurong naghubog sa ating isipan sa panahon ng ating pagkabata hanggang sa pagtanda. Mainam ding isama ang mga aktibistang kakilala natin. Kung tutuusin, puwede silang ihanay sa mga katulad kong propesyonal na guro. Ano pa nga ba ang tawag mo sa mga taong nakakayang magmulat sa labas ng apat na sulok ng paaralan?

Guro. Aktibista. Bagama’t napapanahong bigyang-pugay ang dalawa, mas nararapat na makibaka kasama ang ikalawa.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Hinahon sa masamang panahon

$
0
0

Mahirap maging mahinahon sa mga panahong tulad nito.

Una, sadyang masungit ang panahon. Noong Huwebes, halimbawa, biglang bumuhos ang matinding ulan sa Metro Manila na nagdulot ng pagbaha sa ilang lugar. Kasama ka ba sa maraming na-stranded sa kalsada dahil walang masakyang bus, FX o jeep? At kahit na masuwerte kang nakasakay, nainis ka ba sa matinding traffic? Anong oras ka na ba nakauwi?

Ikalawa, sadyang panahon ito hindi lang ng masusungit kundi ng makakapal ang mukha. Suriin natin ang pahayag ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda sa kanyang pagdepensa sa mga bonus na nakuha ng mga opisyal ng Social Security System (SSS). “We can only declare bonus kung kumikita [ang government-owned and -controlled corporations] at malaki naman po ang kinita ng SSS.”

Sa ganitong konteksto raw dapat intindihin ang matataas na bonus na nakuha ng mga opisyal ng SSS. Sino-sino ba ang bumubuo ng board of directors at magkano ba ang kanilang nakuha? Heto ang listahan ayon sa ulat ng GMA News TV:

  • Juan Santos (tagapangulo): P1.176 milyon
  • Emilio De Quiros Jr. (pangalawang tagapangulo): P1.040 milyon
  • Diana Pardo-Aguilar (miyembro ng lupon): P1.336 milyon
  • Daniel Edralin (miyembro ng lupon): P1.128 milyon
  • Eliza Antonio (miyembro ng lupon): P968,000
  • Marianita Mendoza (miyembro ng lupon): P1.024 milyon
  • Ibarra Malonzo (miyembro ng lupon): P1.416 milyon
  • Bienvenido Laguesma (miyembro ng lupon): P1.304 milyon

Bukod sa malalaking halagang ito, nakakakuha pa sila ng P40,000 bawat board meeting at P20,000 bawat committee meeting. Nagkakaroon ng mga pulong na ito dalawang beses sa isang buwan.

Sa bahagi ng Government Commission for Government-Owned and -Controlled Corporations (GCG), legal daw ang ganitong kalakaran. Binanggit ni GCG Spokesperson Paulo Salvosa na ang mga insentibo at per diem para sa SSS ay nakasaad sa Republic Act No. 10149 (GOCC Governance Act of 2011).

At tulad ng inaasahan, ipinagtanggol ni De Quiros, presidente at CEO ng SSS, ang kanilang bonus. “This scheme established by GCG is the way by which GOCCs give incentives to produce better…You try to provide incentive to the management and staff, to be able to generate more income.”

Binigyan naman daw ang mga empleyado ng SSS na nagkakahalaga ng P276 milyon. Kung sa tingin mo’y malaking halaga rin ito, isipin mong may 5,044 empleyado ng SSS (i.e., 1,942 sa main office at 3,102 sa branch offices). Pero malinaw namang hindi ito pinaghatian nilang lahat. Sinabi ni De Quiros na ang mga nagrereklamo ay malamang na mga empleyado ng SSS na may “poor performance” kaya hindi nakakuha ng bonus.

Dito may malaking pagkakamali si De Quiros. Ang pangunahing nagrereklamo ay ang mga mismong miyembro ng SSS na buwanang naghuhulog ng kanilang kontribusyon. Gaano ba sila karami? Suriin natin ang datos mula mismo sa SSS:

  • Employers: 859,011
  • Employees: 22,064,627
  • Self-Employed: 3,853,271
  • Voluntary: 3,827,566

Salamat sa kanilang kontribusyon, lumaki ang kita ng SSS. Ayon sa datos ng kompanya, ang kabuuang kontribusyon ay umabot sa P25.577 bilyon para sa unang tatlong buwan ng 2013. Ito ay 71 porsyento ng kabuuang kitang P36.070 bilyon. Kung paniniwalaan ang mga pahayag ng ilang opisyal ng gobyerno, ang pinagkuhanan diumano ng mga bonus ay hindi ang mga kontribusyon kundi ang natitirang 29 porsyento na P10.492 bilyon (investment and other income).

Pero ang tanong lang sa puntong ito: Kung wala ang mga buwanang kontribusyon ng 30 milyong miyembro ng SSS, magiging imposible ang mga pamumuhunan at iba pang kita ng kompanya. Kahit na legal ang pamimigay ng bonus, bakit kailangan pang ibigay ang mga ito sa mga opisyal na sobra-sobra na ang benepisyong nakukuha mula sa kanilang pag-upo sa puwesto? Bakit hindi na lang sila makontento sa kanilang matataas na suweldo? Bakit kailangan pang magbigay ng bonus para sa simpleng paggampan ng trabaho nila?

Kung totoong “performance-based” ang pamimigay ng bonus, hindi ba’t kailangan ding suriin hindi lang ang kita kundi ang kabuuang pamamalakad? Ang simpleng pagbisita sa main office ng SSS ay magpapatunay sa haba ng pila ng mga miyembrong gustong makipagtransaksyon sa kompanya. Maraming kuwento ng naantalang benepisyo at pahirapang pagkuha ng mga kinakailangang dokumento. Hindi maikakaila ang sanlaksang reklamo hindi lang sa mababang benepisyong nakukuha kundi sa mali-maling komputasyon ng mga kontribusyon.

At ang mas nakakainis pa, ang malalaking bonus na ipinamigay sa panahong itataas ang mga buwanang kontribusyon sa Enero 2014. Ang tanong ng maraming mamamayan: Bakit kailangang itaas ang singil kung tumataas ang kita?

Kahit hindi mo ugaling magmura, may tendensiyang gumamit ka ng mga salitang ayaw mong banggitin. Pero kailangan ng hinahon para obhetibong pag-aralan ang sitwasyon. Dito lang natin malalamang may magagawa tayo sa gitna ng masamang panahon.

Kung may bagyo, magdala ng payong at iba pang proteksyon sa hangin, ulan at baha. At kung ang masamang panahon ay dulot ng maling pamamalakad ng mga nasa kapangyarihan, may batayan ang paglaban sa pamahalaan.

 Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.


Para sa estudyanteng nais huminto sa pag-aaral

$
0
0

Maraming politikal na usaping dapat suriin. Maraming panlipunang isyung dapat busisiin. Pero sa ngayon, pinili kong isulat na lang ang liham na ito para lang sa iyo.

Nabalitaan ko kasing may plano kang huminto sa pag-aaral. Bakit? Wala ka bang pang-matrikula? May problema ka ba sa pamilya? Masalimuot ba ang pinagdaraanan mo? Nahihiya ka bang pag-usapan ang sitwasyon mo? Gusto mo bang pabayaan ka na lang?

Sa ayaw mo’t sa gusto, bibigyan kita ng paalalang may tatlong salita: Hindi ka nag-iisa! Kung kailangan mo ng kausap, may mga kaibigan kang handang makinig sa iyo. Kung ayaw mo munang makihalubilo sa mga kaedad mo, may mga gurong katulad kong handang bigyan ka ng payo. Puwede mong pakinggan ang anumang maibabahagi ng isang nakatatanda na posibleng pinagdaanan na ang nararanasan mo sa kasalukuyan.

Bagama’t hindi kailanman mapapalitan ng isang guro ang pag-aaruga ng isang ina o ama, mas nasa posisyon ang guro para magpayo sa pang-akademikong gawain. Bilang estudyante, hindi mawawala sa iyo ang magkahalong respeto at takot tuwing nakikita ang titser mo. Tinitingala mo kasi ang sinumang sa tingin mo’y may kabuluhan ang pagtanda at kayang hubugin ang isipan ng kabataan.

Paminsan-minsan, napapalitan ang respeto at takot ng pagkadismaya at pagkabahala. Dahil wala namang perpekto sa mundo, kapansin-pansin ang pagkakaroon ng ilang gurong walang panahon sa mga estudyante. Oo, nagtuturo nga sila pero wala silang pakialam kung naiintindihan ba ang lahat ng sinasabi sa loob ng klasrum. Wala rin silang konsiderasyon sa indibidwal na pinagdaraanan ng estudyante. Kung pasado, pasado. Kung bagsak, bagsak. Kahit na tao ring katulad nila ang mga estudyante, tila mekanikal ang pagtrato sa huli. Ang mga estudyante ay mistulang numero sa kanilang paningin. Wala silang espasyo para sa mga bagay na hindi nababasa sa libro.

Pero sa puntong ito, huwag kang madismaya o mabahala. May handang makinig sa anumang gustong sabihin mo. May gurong naglalaan ng panahon para sa mga estudyante, lalo na sa mga kinakailangan ng gabay. Ang espasyo ay naririyan dahil bukas ang isipan ng guro para sa kaalamang higit pa sa nasusulat sa libro. Ayaw ko mang magbuhat ng sariling bangko, gusto kong ihatid ang mensaheng narito ako.

Ano nga ba talaga ang pinagdaraanan mo? Pag-usapan natin ito nang masinsinan. Huwag mong solohin ang problema. Maniwala ka. Kaya itong magawan ng paraan. Posibleng mahirap ang solusyon, pero pilitin natin dalawang harapin ang problema mo sa halip na takasan ito.

Alamin muna ang konteksto. Huwag padalos-dalos sa pagkilos. Ang plano mong paghinto sa pag-aaral ay mabigat na desisyon. Masasabing ito rin ay mabilis at praktikal na solusyon kung ang nais mo lang ay pabayaan na lang ang pagiging biktima mo ng panlipunan at pang-edukasyong sistemang kadalasang hindi naitataguyod ang kabutihan ng nakararami.

Kung sa tingin mo’y may malaking pagkukulang ang tinagurian ng mga aktibistang “bulok na sistema,” kailangan ang matagalang paglaban kaysa mabilisang pagsuko. Anuman ang konteksto ng iyong planong huminto na sa pag-aaral, kailangan mo munang pag-isipan nang malalim kung may ibubunga bang mabuti, para sa iyo at para sa bayan, ang pag-alis mo sa apat sa sulok ng klasrum.

Sa aking opinyon, magiging katanggap-tanggap lang ang paghinto sa pag-aaral kung ito ay may kinalaman sa pagharap pa sa mas masalimuot na problemang kinakaharap ng lipunan. Kung ang desisyon mo ay para sa isang adhikaing mas higit pa sa sarili, wala na akong iba pang masasabi kundi humayo at magparami. Lubos na kailangan kasi ang mga katulad mong handang ipagpatuloy ang pakikibaka ng nakaraan at kasalukuyan para makamtan ang isang makabuluhang kinabukasan.

Pero kung ang paghinto sa pag-aaral ay dahil lang sa personal na pinagdaraanan, ang aking payo ay huwag ka munang umalis. Manatili kang estudyante sa loob ng klasrum para patuloy na mag-aral sa loob at labas ng apat na sulok nito. Maging bukas sana ang isipan mong may mga bagay na higit pa sa iyo at sa akin, at sama-sama nating pag-aralan ang kahalagahan ng isang klase ng edukasyong magbubukas ng iyong isipan para bigyan ng solusyon hindi lang ang problema mo kundi ng iba pa.

Maniwala ka. Kailangan kang patuloy na matuto. May pagkukulang man ang sistemang pang-edukasyon dahil sa mapaniil na kalakaran ng lipunan, may mga gurong handang magturo sa iyo ng mga bagay na hindi lang napapanahon kundi nararapat.

Pero bukas man ang opisina ko para pakinggan ang saloobin mo, nasa iyo pa rin ang huling desisyon. Kahit na sa tingin ko’y mababaw na dahilan lang ang iyong pinagdaraanan kumpara sa nangyayari sa ating lipunan, malungkot kong pipirmahan ang anumang dokumentong kinakailangan mo para tuluyan nang umalis sa apat na sulok ng klasrum. At kung sa malapit na hinaharap ay maisipan mong bumalik, siyempre’y mananatiling bukas ang aking klasrum para muli kang tanggapin.

Salamat sa pagbabasa. Anuman ang maging desisyon mo, sana’y may kinalaman ito sa pakikibaka.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Tabaco, pagreretiro at pagbabago

$
0
0

LUNGSOD TABACO, Albay (Oktubre 25, 2013) – Sadyang mainam bumalik sa lugar na medyo tahimik at payapa. Kahit na ang pansamantalang pagbisita ay hindi “tunay na pamamahinga,” iba pa rin ang dulot sa katawan ng preskong hangin sa isang probinsiya.

Sa pamantayan ng katulad kong ipinanganak at lumaki sa iba’t ibang lugar ng Metro Manila, mistulang paraiso ang Tabaco. Sa pangkalahatan, walang trapik, mura ang mga bilihin at magalang ang mga tao. Para sa katulad kong nagkukunwaring makata, kapansin-pansin ang talinhagang hatid ng kapayapaan sa isang lugar na kilala sa paggawa ng tabak.

Kung susuriin nga naman ang kasaysayan ng lugar, lumalabas na ipinangalan ang Tabaco sa sandatang naging prominente noong panahon ng pag-aaklas laban sa mga Kastila, Hapon at Amerikano. Pero sa paglipas ng panahon, ang sandata ng armadong pakikibaka noon ay naging instrumento na sa pagsasaka ngayon. Ginagamit ang tabak, halimbawa, sa pag-alis ng damo, pagputol ng halaman at pag-ani ng bunga.

Opo, mayroon pa ring kanayunan sa kalunsuran. Makikita ang mga industriya’t serbisyo sa mga lugar na malapit sa plaza. Kapansin-pansin naman ang mga agrikultural na lupain sa iba’t ibang baranggay ng Tabaco. Tila nasa “denial stage” ang pagiging siyudad ng lugar. Halimbawa, patuloy pa rin ang ilang residente, lalo na ang matatanda, sa paggamit ng terminong “munisipyo” sa dapat na tinatawag na ngayong “city hall.”

Kung ako ang tatanungin, mainam na magpatuloy ang agrikultural na gawain sa Tabaco kahit na nangangahulugan ito ng pagpapatuloy ng “denial stage” bunga ng nagreresultang krisis sa identidad. Agrikultura ba o industriya? Hindi dapat mamili dahil puwede namang estratehiya sa pang-ekonomiyang pag-unlad ang kombinasyon ng dalawa.

Sa katunayan, ito ang plano naming mag-asawa sa aming pagreretiro sa Tabaco – ang magtanim sa gitna ng kalunsuran. Masasabing “matagalang pakikibaka” ang pag-iipon ng pera para mabili ang lupang pagtatayuan ng bahay na gagamitin namin sa pagreretiro. Dalawampung taon pa bago kami umabot sa edad na 65, ang mandatory retirement age sa Pilipinas, pero mainam na pagplanuhan na ang bagay na ito ngayon pa lang.

Noong bakasyon (Abril at Mayo) sa pamantasang pinagtuturuan ko, nagkaroon kami ng limitadong panahon para pangasiwaan ang permanenteng pagpapabakod sa aming lupa. At ngayon namang semestral break, ginamit naming mag-asawa ang oportunidad para tapusin na ang pag-aasikaso sa paglilipat ng mga titulo ng lupa sa aming pangalan. Matapos ang paulit-ulit na pagbiyahe nitong mga nakaraang buwan sa Legazpi at Tabaco para makipagtransaksyon sa Tabaco City Hall, Bureau of Internal Revenue (BIR) at Registry of Deeds (ROD) – bukod pa sa paminsan-minsang pakikipag-usap sa mga nagbenta ng lupa sa amin para sa iba pang dokumentong kinakailangan – naging matagumpay ang aming lakad ngayong buwan. Makukuha na kasi namin ang mga bagong titulo sa lupa sa susunod na buwan. Sa wakas, opisyal nang magiging amin ang lupang matagal naming pinag-ipunan!

At kahit na sabihin mong mababaw ang aking kaligayahan, natutuwa pa rin akong tapos na ang aming paulit-ulit na pagbisita sa mga ahensiya ng gobyernong kung ano-ano ang hinihingi para lang mailipat sa pangalan naming mag-asawa ang mga titulo ng lupang binili namin. Bagama’t magalang ang nakaharap naming mga kawani ng city hall, BIR at ROD, sa tingin ko’y may malaking problema ang burukrasya sa sitwasyong nahihirapan ang mga katulad naming may limitado lang panahon para makipagtransaksyon sa gobyerno.

Isipin mo na lang: Dahil hindi direktang tumatanggap ng bayad ang mismong BIR para sa capital gains tax at documentary stamp tax, kinailangan pa namin noong bumiyahe sa pinakamalapit na accredited na bangko dala-dala ang medyo malaking pera. At kahit na puwedeng magbayad direkta sa Tabaco City Hall at ROD, cash lang ang kanilang tinatanggap at hindi puwede ang credit card transaction. Muli, kinailangan naming magdala ng medyo malaking pera papunta sa mga ahensiyang ito. Alam nating lahat na may problema ang mga sitwasyong ganito sa personal na seguridad.

Pero kung may pribadong negosyong napayaman kaming mag-asawa, ito ay walang iba kundi ang mga nagpapa-photocopy ng mga dokumento. Sa bawat pagkuha ng mga dokumentong kinakailangan, asahan mong kailangan ding magpakopya ng tatlo hanggang limang kopya. May kinalaman kaya ang limitadong badyet ng mga ahensiya ng pamahalaan sa paghingi hindi lang ng orihinal na kopya ng mga dokumento kundi ng ilan pang kopya ng mga ito? Sa ngayon, ayaw ko munang suriin ito.

Kung mayroon kasi kaming pinag-iisipa’t pinagpaplanuhang mabuti, ito ay ang pagreretiro naming mag-asawa. Pagreretiro ang dahilan ng aming matiyagang pag-iipon, pati na rin ang masinop na pagtitipid. Gusto kong isiping normal para sa isang nagkakaedad nang katulad ko ang mag-isip ng bagay na ito. Pero ideyal din para sa isang nakababatang magplano nang maaga.

Ang problema lang sa kasalukuyang lipunan, malayo sa “normal” ang ating pinansyal na sitwasyon ng nakararami kaya ang mas iniisip ay ang kagyat na pangangailangan ng pamilya. Saan ba kukuha ng pambili ng pagkain mamaya? Ano ang mangyayari kung natapos na ang kontrata sa pinagtatrabahuan? Paano ba mabibigyan ng magandang kinabukasan ang mga mahal sa buhay?

Sa ganitong konteksto nagiging politikal na pakikibaka ang personal na pinagdaraanan ng nakararami. At ito ang dahilan kung bakit nagpapatuloy pa rin ang tunggalian sa lipunang ginagalawan.

Ang tabak na kasalukuyang ginagamit sa indibidwal na gawaing pang-agrikultura ay muling magiging simbolo ng kolektibong pakikibaka. Umunlad man ang teknolohiya, iba pa rin ang simbolismong hatid ng tabak na ginamit noon sa paglaban.

Sadyang may limitadong katahimikan at kapayapaan sa lipunang nagbibigay lang ng limitadong espasyo sa pag-unlad ng nakararami. May plano ka ba sa malapit na hinaharap? Isipin mo rin sana hindi lang ang personal na pagreretiro kundi ang politikal na pagbabago.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Timog Korea at ang retorika ng `ano kaya’?

$
0
0

LUNGSOD INCHEON, Timog Korea (Nobyembre 1, 2013) – Para sa katulad kong nagmula sa naghihirap na bansa, magkahalong saya at lungkot ang nararamdaman tuwing bumibisita sa maunlad na bansa tulad ng Timog Korea.

Siyempre’y may ligayang hatid ang pagbiyahe sa ibang bansa, lalo na’t nangangahulugan ito ng karanasang kakaiba sa nakagisnan. Nabubuksan ang mata mo sa iba pang kultura at nasusubukan mong gawin ang mga bagay na wala sa sariling bansa. Sa konteksto ng Timog Korea, nalalaman mo, halimbawa, ang “tunay” na lasa ng kim chi, bulgogi at iba pang pagkain mula sa bansang ito. At kung mahilig ka sa teknolohiya, makikita mo ang napakalaking bentahe ng paggamit ng Internet sa bansang may pinakamabilis na koneksiyon sa buong mundo.

Kung may sapat kang pera, makakaya mong maglibot-libot sa ilang lugar para malaman hindi lang ang kultura ng Timog Korea kundi ang mayamang kasaysayan nito. Ang pagbisita sa Ganghwa History Museum (Ganghwa Island) ay magpapakita ng dedikasyon ng mga Koreano para ipaalala sa lahat ng tao ang pinagdaanan ng lugar bago pa man ito tinawag na Korea. Aba, kahit ang ilang tipak ng batong nagsilbing palatandaan ng mga inilibing nilang ninuno noong Neolithic Period (4000 hanggang 3000 BC) ay pinipilit nilang i-preserba para hindi malimutan ng mga susunod na henerasyon. Ang ilan sa mga tinatawag na “dolmen” o “portal tomb” ay makikita sa labas ng museo. Kapansin-pansin ang masinop na trabahong ginawa ng mga Koreano para panatilihin ang orihinal na mga dolmen kahit ilang libong taon na ang edad ng mga ito.

May malaking papel din ang mga bato sa pagtataguyod ng turismo at pagpapakilala ng Buddhismo. Doon kasi sa Samnangseong Castle (Ganghwa Island), kapansin-pansin ang maraming tumpok ng mga batong pinagpatong-patong na nakakalat sa isang malaking bato. Dahil maganda ang pagkakagawa, akala ko’y nakadikit na ang mga ito. Pero nang hinawakan ko ang isang tumpok, hindi pala. Araw-araw, pinagtitiyagaan ng mga trabahador at ng ilang bumibisita sa lugar para magkaroon ng mga pinagpatong-patong na mga bato. Kuwento ng aming tour guide, dinadasalan daw ang mga batong ito kaya mahalagang manatiling magkapatong-patong sila bago humiling ng kung anuman sa kinikilalang diyos.

Sa kabilang banda, nakakaaliw ding may malaking bentahe ang pagpapanatili ng kultura sa pagpapalawak ng kaisipan ng mga pumupunta sa lugar na iyon. Biro ko nga sa sarili ko, hindi pala “nakakabato” ang pagpatung-patungin ang mga bato. Dahil naengganyo ako sa hitsura ng mga ito, gumawa ako ng sariling tumpok. Habang sinusulat ko ito, pumapasok sa isip ko kung nakatayo pa ba ang “aking” tumpok, at kung dinarasalan ito ngayon. Sana naman.

Kapansin-pansin din ang diskurso ng pag-asa at pakikibaka sa pagbisita sa 38th parallel. Dahil malabong makapunta sa mismong Panmunjom, pinili na lang ng tour guide na dalhin kami sa Ganghwa Peace Observation Deck (Ganghwa Island) kung saan kitang-kita ang Hilagang Korea. Sa lugar na iyon, ang tanging naghihiwalay sa Hilaga at Timog Korea ay ang karagatan. Mula sa observation deck, puwedeng gumamit ng binoculars para tingnan ang kabundukan at kapatagan ng sosyalistang bansang pinamumunuan ni Kim Jong-un.

Halatang may pagkiling sa Timog Korea ang aming tour guide dahil binanggit niyang nawala ang mga puno sa kabundukan ng Hilagang Korea (na kitang-kita naman mula sa observation deck) dahil walang pagpapahalaga sa kapaligiran ang mga taga-Hilaga. Ilang beses din niyang idiniin ang malawak na kagutuman, pati na ang walang pakundangang paglabag sa karapatang pantao ng rehimen ni Kim Jong-un. Pero sa kabila ng kanyang hindi itinatagong galit sa Hilaga, ipinapanalangin daw niya ang muling pagsasama ng dalawang Korea.

Sa loob-loob ko, sana nga. Pero hindi ko pa rin maiwasang itanong ang maraming bagay na nagsisimula sa “ano kaya”? Ano kaya kung hindi natuloy ang paghihiwalay ng Korea sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1945? Ano kaya kung ang Korean War ay nagpatuloy at hindi nagkaroon ng tigil-putukan noong 1953? Ano kaya kung ang Hilaga o Timog ay tuluyang nagtagumpay at napatunayan sa pamamagitan ng digmaang bayan ang soberanya sa buong Korea?

Salamat sa globalisasyon at konsumerismo, hindi kita masisisi kung mas kakampihan mo ang Timog Korea kumpara sa Hilagang Korea dahil limitado lang ang alam natin sa huli. Sa isang banda, modelo ng pinaunlad ng kapitalismo ang Timog Korea. Ang pagiging “hermit kingdom” naman ng Hilagang Korea ay hindi nakakatulong sa pagpapalaganap ng kaalaman sa anumang bentaheng mayroon sa isang sosyalistang lipunan.

Habang nakaupo sa observation deck sa Ganghwa Island, naalala ko ang itinuro ng propesor ko sa peryodismo tungkol sa pangangailangan ng konteksto. Paano ka nga naman magkakaroon ng malinaw na kongklusyon kung hindi mo alam ang lahat ng detalye? Paano mo masasabing mas magandang mabuhay sa Timog Korea kung hindi mo alam ang katotohanan tungkol sa nangyayari sa Hilaga?

Pero hindi ko rin naman masisisi kung nasa panig ng Timog Korea ang pampublikong opinyon. Hindi matatawaran ang aktibo nitong pagtataguyod ng mga nangyayari sa bansang ito. Ang pagho-host ng 17th Asian Games sa Incheon sa susunod na taon, halimbawa, ay may puspusang paghahanda para masiguradong hindi mapapahiya ang bansa hindi lang sa Asya kundi sa buong mundo. Biro nga ng isang Pilipinong nakatira sa Incheon, ang dating tinaguriang “ghost town” ay unti-unti nang nagiging maunlad na lungsod.

Sadyang hind maiiwasan ang saya at lungkot (pati na ang inggit) kung ang biyahero ay mula sa isang naghihirap na bansa tulad ng Pilipinas. Pero kailangang isiping walang lugar ang inggit sa sitwasyong hindi natin alam ang buong konteksto. Kung mayroong aral tayong dapat malaman sa kasaysayan ng Korea, ito ay ang kahalagahang tapusin ang matagalang panlipunang pakikibaka.

Paglilinaw: Ako ay inimbitahan ng Incheon International Relations Foundation (IIRF) para magsalita sa Asia Media Forum na inorganisa nito. Binayaran ng IIRF ang aking pamasahe at akomodasyon habang nasa Timog Korea.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Bagyong Yolanda at ang trahedya ng pamamahala

$
0
0

Buti naman at hindi pa sinasabi ni Pangulong Noynoy Aquino na si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang may kasalanan sa pagdating ng bagyong Yolanda (Haiyan) ngayong linggo. Kung sabagay, duda ako kung may mapagbubuntunan siya ng sisi sa pagtahak ng bagyong wala naman sa kontrol ninuman.

Pero tandaan nating iba ang bagyo’t kalikasan sa trahedyang iniiwan nito. Kailangang maging maingat sa paggamit ng mga katagang “hagupit ng bagyo” o “pananalasa ng kalikasan” sa paglalarawan ng pagbaha at pagkasira sa mga bahay at ikinabubuhay ng maraming mamamayan. At kung sakaling magkaroon ng pagkamatay ng ilang kababayan, huwag sanang palabasing kalikasan ang may kasalanan.

Ipinanganak at lumaki tayo sa isang bansang binibisita ng mga bagyo taon-taon. Kung sa tingin mo’y parati tayong “sinasalanta” ng mga ito, kailangang tandaang nagreresulta ang anumang trahedyang kinakaharap ng karamihan sa mga bagay na subhetibo at obhetibo. Pangunahing salik ang kapabayaan ng ilang nasa kapangyarihan at ang pagpapatuloy ng panlipunang sistemang pinapakinabangan lang ng iilan.

May subhetibong katangian ang kapabayaan ng ilang opisyal sa gobyerno dahil may kinalaman ito sa kanilang kapasidad na mamuno, pati na ang sinseridad sa pagtugon sa pangangailangan ng mga naghihirap na mamamayan. Sa obhetibong antas naman, nasa bentahe ng iilan ang pagkakaroon ng panlipunang sistemang direkta nilang pinapakinabangan. Kahit na hindi ito akma sa karamihan, pinapanatili ng mga nasa kapangyarihan ang estrukturang nagpapayaman sa iilan kahit na nagpapahirap ito sa karamihan.

Ang ganitong argumento ay hindi po walang-lamang retorika ng isang walang-magawang aktibista. Kung susuriin nang malaliman, maiuugnay ang subhetibo at obhetibo sa trahedya at bagyo.

Sa konteksto ng tinaguriang “disaster risk reduction and management” (DRRM), kapansin-pansin ang pagsasamantalang ginagawa ng ilang nasa kapangyarihan para makakuha ng publisidad bunga ng mapagkunwaring pagtulong. Dahil sa kanila, nagkaroon na ng politikal na kahulugan ang salitang “epal.” Ang pagiging epal (o mapapel) kasi ay makakapagpaliwanag, halimbawa, sa pagpapakuha ng larawan o bidyo sa pamimigay ng relief goods at paglalagay ng pangalan sa bawat bagay na ipinamimigay sa mga biktima ng trahedya. Sino ba sa atin ang hindi magagalit sa sitwasyong natatagalan ang pamimigay ng kinakailangang tulong dahil hindi pa dumarating ang politiko? Sino ba sa atin ang hindi mapapakamot ang ulo sa bangayan ng ilang nasa kapangyarihan kung sino sa kanila ang dapat mamigay ng relief goods?

May direktang kaugnayan ang “panliligaw” ng ilang politiko sa layunin nilang manatili sa kapangyarihan. Kaya nga hindi nakakagulat na ang mga may planong tumakbo sa darating na eleksiyon sa 2016 ay parating “nagpaparamdam” para ipakitang may ginagawa sila. Para sa mga nag-aambisyong maging susunod na Pangulo ng Pilipinas, nangangahulugan ito ng pagpunta sa mga lugar ng trahedya para diumano pamunuan ang pagtulong sa mga mamamayan. Wala namang problema sa pagkalinga sa mga biktima. Pero hindi maiiwasan ang kolektibong pagdududa lalo na’t bitbit ng ilang politiko ang midya.

Nagmumukha namang “makapangyarihan” at “guwapo” si Pangulong Aquino kung magdedeklara siya ng state of emergency at ipagkakalat ang desisyon ng agarang paglabas ng kinakailangang pondo para sa mga apektadong lugar. Posible pa ngang gamitin ni Aquino ang pagkakataon para sabihing kinakailangan ang kanyang discretionary powers para matugunan ang pinansyal na pangangailangan ng mga biktima ng trahedya. Sa kontekstong ito, kapansin-pansin ang oportunismo para pabanguhin ang hindi katanggap-tanggap na Development Acceleration Program (DAP), isang mekanismong bahagi diumano ng tinatawag na presidential pork barrel.

Sa halip na ilaan ang kinakailangang pondo sa mga ahensiyang direktang nangangasiwa sa relief and rehabilitation, pati na rin sa mga lokal na pamahalaan, nais gamitin mismo ni Pangulong Aquino ang kaban ng bayan para makamit ang politikal na adyenda ng mga kaalyado niya. Nagdesisyon man si Aquino na buwagin na ang priority development assistance fund (PDAF) o pork barrel ng kongreso, may mekanismo pa rin sa mga miyembro ng Senado at House of Representatives para magrekomenda ng mga nais nilang proyekto. Kung susuriin ang pahayag ni Aquino, hindi raw siya dapat pag-initan dahil hindi naman daw siya inaakusahang nagnanakaw ng pondo ng bayan.

Pero kung susuriin ang sunod-sunod na trahedyang nangyari sa Pilipinas, hindi ba’t isang porma ng pagnanakaw ang nangyayaring pagpapahirap sa mga dati nang mahirap? Hindi kakaiba ang ginagawang pagnanakaw sa kaban ng bayan sa pagkakait ng karapatang dapat nasa karamihan! Kung tutuusin, simple lang naman ang pangarap ng maraming mamamayan – ang magkaroon ng mga batayang karapatan sa edukasyon, trabaho, pabahay at iba pang makapagbibigay ng ginhawa sa buhay.

Dahil sa walang malinaw na programa para sa kaligtasan ng mga ordinaryong mamamayan, nagkakaroon ng maraming biktima sa gitna ng malakas na bagyo. Pero ang trahedya ay higit pa sa natural na kalamidad dahil matindi rin ang epekto ng kasalukuyang kalakaran ng lipunan. At para tuluyang mawala ang malupit na trahedya, kinakailangang baguhin ang mapanupil na sistema.

Muli, ang ganitong klase ng argumento ay hindi walang-lamang retorika ng isang walang-magawang aktibista. Sapat nang ebidensiya ang kasaysayan ng Pilipinas para malaman ang dahilan kung bakit patuloy ang kultura ng protesta sa ating bayang patuloy na pinagkakaitan ang karamihan.

Kahit kailan, hindi puwedeng sabihing ang bagyo ay masama at ang panahon ay masungit. At lalong hindi puwedeng iugat sa simpleng kasamaan o kasungitan ng ilang opisyal ng gobyerno ang pangkalahatang pagkukulang sa pagtulong sa mamamayan.

Sa gitna ng malakas na hangin at matinding ulan, panahon na para isulong ang panlipunang sigwa. Ito ang nararapat na kolektibong tugon sa trahedya ng pamamahala.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Pagtulong, pag-alala at pagkondena

$
0
0

Nasa Maynila ako pero nasa iba ang utak ko. Tulad ng marami pang Pilipino, ginagampanan ko ang “normal” na gawain kahit na aaminin kong wala akong ganang magtrabaho. Paano ka ba naman magkakaroon ng lakas sa isang sitwasyong nakapanghihina?

Suriin natin ang opisyal na datos mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) hinggil sa epekto ng Bagyong Yolanda. Lumalabas sa Situation Report (SitRep) No. 91 (Nobyembre 15, 8:00 p.m.) na 3,631 ang bilang ng namatay, 12,487 ang sugatan at 1,179 ang nawawala. Sadyang maraming lugar sa Pilipinas ang nasalanta sa gitna ng anim na landfall noong Nobyembre 8 sa Guiuan, Eastern Samar; Tolosa, Leyte; Daanbantayan, Cebu; Bantayan Island, Cebu; Concepcion, Iloilo; at Busuanga, Palawan. Kung susuriin ang opisyal na estadistika, malinaw na malaking pera ang kinakailangan para tulungan ang mga apektadong kababayan: “A total of 1,962,898 families/9,073,804 persons were affected in 9,303 barangays in 44 provinces, 536 municipalities and 55 cities.” Ayon sa NDRRMC, ang halaga ng pinsala sa agrikultura ay P9.1 bilyon; at sa impraestruktura, P362.8 milyon.

Posibleng mas mataas pa ang bilang ng mga namatay kung mas paniniwalaan ang datos ng United Nations Office of the Coordination of Humanitarian Affairs (OCHA). Batay sa isang ulat sa midya, umabot na raw sa 4,460 ang namatay; at ang mga apektado ng Bagyong Yolanda, 11.8 milyon. Matatandaang sinabi ni dating Philippine National Police-Eastern Visayas Chief Superintendent Elmer Soria noong Nobyembre 9 na posibleng umabot sa 10,000 ang namatay bunga ng storm surge. Makalipas ang limang araw, naiulat ang pagkakatanggal sa puwesto ni Soria. Bago siya pinalitan ni Chief Superintendent Henry Losanes, binanggit ni Pangulong Noynoy Aquino sa CNN na ang bilang ng mga namatay ay malamang na nasa 2,000 hanggang 2,500 lamang.

Salamat sa matiyagang pag-uulat ng midya, nakita ng Pilipinas at ng buong mundo ang imahe ng trahedya, lalo na ang mukha sa likod ng mga estadistika. May mga balita ng kabayanihan sa gitna ng trahedya. May mga balitang naghahatid ng iba’t ibang emosyon – nakapanlulumo, nakakaiyak, nakakagalit. Hindi ko na iisa-isahin ang mga balitang direktang nakaapekto sa akin at sinubukan ang kakayahan kong maging mahinahon. Tulad ng marami pang tao, pinagdaraanan ko ang pagdadalamhati’t pag-aalala. Bagama’t magandang balita para sa akin ang malamang ligtas ang ilang mahal sa buhay sa Tacloban, hanggang ngayo’y hindi ko pa alam ang nangyari sa ibang kaibigan at kakilala.

Sa bawat pagsubo ng pagkain nitong mga nakaraang araw, mabigat sa loob ang isiping maraming kababayan natin ang nagugutom. Kahit ang simpleng paghiga sa kama pagsapit ng gabi ay naghahatid ng iba’t ibang imahe ng mga kababayan nating pinipilit matulog sa kung saan-saan dahil kahit ang evacuation centers ay kabilang sa mga nasalanta.

Gusto kong isiping likas sa maraming tao ang tumulong sa panahon ng pangangailangan. Sa ganitong konteksto natin dapat suriin ang pagdagsa ng tulong hindi lang mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas kundi maging sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Para sa akin, hindi lang simpleng “guilt trip” ang nagtutulak sa maraming tao, Pilipino man o dayuhan, para magbigay ng donasyon at tumulong sa pagpapadala ng relief goods. Ang isinasagawang pagkilos ay repleksiyon ng ating paggampan ng responsibilidad bilang miyembro ng komunidad sa partikular at lipunan sa pangkalahatan. Sa madaling salita, walang iwanan!

Sadyang handang tumulong ang marami dahil sariwa sa ating alaala ang nakaraan, lalo na kung pinagdaanan din natin ang nararanasan ngayon ng marami nating kababayan sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas. Mas lalong nakikita natin ang pangangailangang tumulong kung mayroon tayong mga kakilalang naapektuhan ng bagyo. Dito nagkakaroon ng personal na dimensiyon ang pakikipagkaisa sa iba pang nais tumulong.

Damayan sa panahon ng trahedya, bayanihan sa gitna ng kalamidad. Tandaan lang sana nating may direktang responsibilidad ang mga ahensiya ng pamahalaan para tugunan ang pangangailangan ng lahat ng mga nasalanta. Bagama’t hindi maiiwasan ang bagyo, kailangang magkaroon ng ibayong paghahanda ang gobyerno. Puwede mong sabihing may paghahanda namang nagawa, pero malinaw na hindi ito naging sapat. Mas lalong hindi nakatulong ang mga ginawang mga pahayag ng Pangulo sa lokal at pandaigdigang midya na ibinunton pa ang sisi sa mga lokal na pamahalaan at ipinagpilitang walang pagkukulang ang kanyang administrasyon sa trahedyang naganap.

Kung ako ang tatanungin, may malaking responsibilidad tayong lahat na singilin ang ating gobyerno sa trahedyang nangyari. Hindi sapat ang manahimik na lang sa isang tabi. Oo, kailangan nating tumulong sa mga nangangailangan pero kailangan din nating mag-ingay para ipakita ang ating kolektibong pagkondena.

May dahilan para makaramdam ng awa at lungkot pero may mas malalim na dahilan para magalit. Pagkatapos pahirin ang luha sa ating mga mata, panahon na para lumabas sa ating bahay para makiisa sa mga magaganap na kilos-protesta.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Pangulong Aquino, retorika at propaganda

$
0
0

Tuwing may protesta, asahan mo ang retorika. Madalas ko ngang biruin ang ilang kaibigang aktibista sa husay nilang bumuo ng mga salita para mapukaw ang interes ng madla.

Sadyang mahalaga ang retorika sa propaganda. Kailangan lang na akma ang mga salita para malinaw ang mensaheng nais iparating. Ito ang dahilan kung bakit may ibayong pag-iingat sa anumang katagang gagamitin, lalo na’t laban sa isang opisyal ng pamahalaan. Kung sablay nga naman ang retorika, paano na ang kampanya? Nakuha mo man ang atensiyon ng masa, maaasahan mo ba ang suporta nila?

Sa kaso ni Pangulong Noynoy Aquino, kailangang isaalang-alang ang kanyang matataas na trust at approval ratings kung susuriin ang mga datos ng Pulse Asia at Social Weather Stations (SWS) mula nang manungkulan siya noong 2010 hanggang sa kasalukuyan. Bagama’t kapansin-pansin ang pagbaba ng kanyang ratings lalo na sa panahon ng ilang kontrobersiya sa kanyang administrasyon, hindi pa rin maikakaila ang pampublikong pagtingin na siya ay popular.

Pero ano ba ang konteksto ng kanyang popularidad? Depende siyempre ito sa paniniwala ng taong kausap mo. Halimbawa, puwedeng sabihin ng isang taga-suporta ng kasalukuyang administrasyon na nakikita ng publiko ang mabuting gawi ni Aquino. Para naman sa nananatiling kritikal sa Pangulo, maaasahan mo ang argumentong hindi naisisiwalat sa publiko ang lahat ng baho ng administrasyon, pati na ang bentaheng maraming organisasyong pangmidya na kampi sa kanya. Pabor ka man o hindi kay Aquino, hindi rin maiiwasang maikumpara siya kay Gloria Macapagal-Arroyo, ang pangulong sinundan niya. Dahil sa mga mababang rating ni Arroyo, malinaw na sinumang ikumpara sa kanya ay nagmumukhang santo, kabilang na si Aquino!

Susing usapin din sa kasalukuyang “kasikatan” ng Pangulo ang propaganda. Anuman ang iyong politikal na paniniwala, hindi maikakaila ang epektibong paggamit ng retorika ng mga taga-suporta niya. Para ipaliwanag ang pangkabuuang direksiyon ng administrasyong Aquino, ginagamit ang katagang “daang matuwid.” Para ipakitang kaisa siya sa hangaring hindi magkakaroon ng espesyal na pagtrato sa mga opisyal ng gobyerno, ibinibigay niya ang halimbawang “wala nang wang-wang” sa mga lansangan. Para idiin ang demokratikong pamamahala, sinasabi ni Aquino sa publiko na “kayo ang boss ko.” Para ipamukhang kakaiba si Aquino kay Arroyo, ang diskurso ay makikita sa limang salita lamang – “kung walang korap, walang mahirap.”

Epektibo ang retorika ng pamahalaan dahil ginagamit ang mga salitang mabilis na nagbibigay ng malinaw na imahe. Hindi ba’t spesipikong halimbawa ang paggamit ng wang-wang ng maraming opisyal ng gobyerno sa mga lansangan para ipamukhang angat siya sa iba? Kumpara sa ordinaryong mamamayang sumasakay sa pampublikong transportasyon, hindi nakararanas ng problema sa trapiko ang isang politikong nakasakay sa mamahaling sasakyan. Kailangan mong tumabi sa kanyang pagdaan. Sa panahon diumano ng daang matuwid, hindi na raw katanggap-tanggap ang sitwasyong ito.

At dahil sawang sawa na sa korupsiyon ang mga tao, pinipilit ng administrasyong Aquino na iugnay ito sa kahirapan. Sa pamamagitan ng retorikang “kung walang korap, walang mahirap,” napapaangat ni Aquino ang kanyang sarili kumpara kay Arroyo na kinakaharap ang maraming kaso ng katiwalian. At kahit na walang malinaw na pagbabago sa panlipunang katayuan ng mga batayang sektor ng lipunan, epektibong propaganda pa rin ng pamahalaan ang paggamit ng salitang “boss” para ipaalala sa mga naghihirap na pinapakinggan daw sila ng administrasyong Aquino.

Pero hindi lahat ng epektibo ay totoo. Nariyan pa rin ang hindi pagkakapantay-pantay sa pagitan ng mga opisyal ng gobyerno at ng mga Pilipinong dapat na pinagsisilbihan nila. Halimbawa, may wang-wang pa ring ginagamit ang ilang politiko sa kabila ng panawagan ni Aquino. Kung totoong matuwid ang daan, bakit hindi malinaw ang patutunguhan ng ordinaryong mamamayan? Bakit patuloy pa rin ang kahirapan at iba pang probleman ng bayan? Isang manipestasyon ng kawalan ng makabuluhang pagbabago ay ang pananatili ng korupsiyon sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Sa ganitong konteksto dapat suriin ang retorikang ginagamit ng mga aktibista. Madalas nating naririnig ang mga katagang “walang pagbabago sa ilalim ni Aquino” tuwing may kilos-protesta sa mga paaralan, pagawaan at lansangan. Simple lang ang dahilan nito: Malinaw kasi sa ebidensiyang nakuha sa malalimang pagbabasa at madalas na pakikisalamuha sa mahihirap na patuloy pa rin ang mga problemang panlipunan. Sa isyu na lang ng korupsiyon, nahaharap sa maraming iskandalo ang ilang kaalyado’t kamag-anak ni Aquino.

Pangingikil ng pera ng kamag-anak kapalit ng pagbibigay ng kontrata sa isang dayuhang kompanya, pagpapatayo ng mamahaling bahay sa isang sikat na subdibisyon ng isang opisyal, paglalaro sa casino ng isa pang opisyal kahit malinaw na ipinagbabawal ito sa batas – mahaba ang listahan para isa-isahin lahat ng mga kontrobersiya.

Aba, kahit si Aquino mismo ay mayroon ding mga isyu! Ilang beses nang binatikos ang mga polisiya’t programang pilit niyang ipinapatupad na nagpapahirap sa maraming mamamayan, lalo na ang mahihirap. Tulad ng mga nakaraang administrasyon, naniniwala siya sa isang globalistang tunguhin ng diumanong pang-ekonomiyang pag-unlad. Hinahayaan pa rin ang pribadong sektor, lalo na ang dayuhang mamumuhunan, na dominahin ang lokal na ekonomiya. Ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng kuryente, tubig, produktong petrolyo at bigas ay idinidikta na ng mga kapitalista. Ang anumang pagtaas sa presyo ng bilihin ay kasalanan diumano ng “market forces,” ang katagang ginagamit bilang propaganda ng gobyerno para ibunton ang sisi sa isang bagay na hindi nakikita.

Oo nga naman, mukhang matalinong diskurso ang paggamit ng retorika sa wikang Ingles kahit na hindi naiintindihan nang lubusan ang konsepto nito. Sa halip na magkaroon ng imahe ng isang kapitalistang nagpapayaman habang ang karamihan ay pinagkakaitan, mistulang blangkong pagsasalarawan ang hatid ng katagang “market forces.” Simple lang ang implikasyon nito: Sa gitna ng pagtaas ng presyo ng bilihin, hindi na dapat sisihin ang pamahalaan o kapitalista. Sa bandang huli, tatanggapin na lang ng ordinaryong mamamayan ang pang-ekonomiyang kalakaran bilang sitwasyong labas sa kontrol ninuman.

Sa ngayon, epektibo ang propaganda ng mga nasa kapangyarihan dahil patuloy pa rin ang suporta ng maraming mamamayan sa kanila. Pero unti-unti na ring naipapakita ang kasinungalingan sa likod ng opisyal na retorika. Mainam na halimbawa ang binitiwang pahayag ni Pangulong Aquino na hindi naman masyadong nakapaminsala ang Bagyong Yolanda na pumasok sa bansa noong Nobyembre 8 dahil 2,000 hanggang 2,500 lang daw ang tinatayang nasawi. Masyadong mababa ang estadistikang ito kung ikukumpara sa 10,000 unang binanggit ng isang dating lokal na opisyal na kinailangang tanggalin sa puwesto matapos ang kanyang pahayag sa midya.

Hindi rin kayang protektahan ng propaganda ang bangayan ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa distribusyon ng relief goods at iba pang porma ng dapat ay taos-pusong pagtulong sa mga kababayan nating naapektuhan ng bagyo. Mas lalong hindi naitatago ng “mababangong salita” ang kawalan ng kakayahan ng gobyernong tumulong sa nangangailangan, lalo na’t halatang halata ang maagang pangangampanya ng ilang personalidad na nagpaplanong tumakbong Pangulo ng Pilipinas sa 2016. Lahat ng propaganda sa puntong ito ay nagmimistulang palusot ng mga nagpupumilit magpaliwanag ng kasalanan.

Sa gitna ng propaganda ng pamahalaan, may protestang nangyayari. Ang mga aktibista ay nagkakaroon ng sariling retorika para mapatingkad sa kakaunting salita ang alternatibong pagsusuri sa nangyayari sa lipunan at sa gobyernong dapat ay naglilingkod sa mga mamamayan. Mula nang manungkulan si Pangulong Aquino, marami nang terminong ginamit laban sa kanya – Noynoying, Pork Barrel King, Impunity King. Ang mga ito ay maingat na pinili para batikusin ang kanyang estilo ng pamumuno at mga patakara’t polisiyang isinusulong. Kailangang maging malinaw na ang anumang terminong ginagamit sa kanya ay hindi naglalayong magbato ng personal na atake.

Tuwing may protesta, asahan mo ang retorika. Mas lalo mong asahan ang pagdami ng propaganda ng mga aktibista lalo na’t dumarami ang pagkukulang ng pamahalaan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Bonifacio at ang tunay na pagbabago

$
0
0

Malapit sa puso ng mga nagsusulong ng panlipunang pagbabago si Andres Bonifacio, lider ng Katipunan. Sa okasyon ng kanyang ika-150 kaarawan sa Nobyembre 30, 2013, nangyari ang iba’t ibang aktibidad para bigyang-pugay ang tinaguriang Supremo.

Anuman ang iyong politikal na paniniwala, hindi kasi maikakaila ang kanyang kabayanihan. Noong panahon ng pananakop ng mga Kastila, malinaw ang kanyang paninindigan laban sa kolonyalismo at para sa kalayaan. At dahil alam niyang hindi basta-basta mapapaalis ang mga Kastila, isinulong niya ang rebolusyonaryong pagkilos.

Hanggang ngayon, hindi pa rin malinaw ang batayang datos sa ilang mahahalagang pangyayaring may kaugnayan sa Kataastaasang Kagalanggalangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK o Katipunan), pati na rin sa sa ilang bahagi ng buhay ni Bonifacio.

Halimbawa, patuloy ang debate kung kailan at saan ginawa ang tinaguriang ”Sigaw ng Balintawak” (o ”Sigaw ng Pugadlawin”). Dito nanawagan si Bonifacio ng paghawak ng armas para labanan ang mga Kastila. Pinunit ng mga dumalong Katipunero ang sedula bilang simbolo ng kanilang hindi pagkilala sa dayuhang mananakop.

Tungkol naman sa buhay ni Bonifacio, pinagtatalunan pa rin ang katotohanan tungkol sa pagkamatay niya at ng kanyang kapatid na si Procopio. Hinatulan daw siyang mamatay ng paksyong Magdalo ng Katipunan dahil siya ay napatunayang taksil sa rebolusyon. May argumento namang kinailangan siyang patayin dahil gusto ng paksyong Magdalo na pamunuan ang buong Katipunan.

Pati ang mismong paraan ng pagpatay kay Bonifacio ay hindi malinaw. Nariyan ang argumentong sinubukan niyang tumakas kaya siya binaril. May nagsasabi namang walang-awa siyang pinagtataga kahit na hinang hina na siya sa mga sugat na natamo bunga ng kanyang pagkaaresto. Aba, kahit ang lugar na pinaglagyan ng mga bangkay ng magpakapatid niya ay hindi malinaw! Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, hindi pa rin alam kung ang mga butong nakuha noong 1918 ay talagang kay Bonifacio. Ito rin ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, wala pa ring disenteng libing na ibinibigay sa tinaguriang Supremo.

Ang mga kontrobersiya kaya ang dahilan kung bakit walang masyadong atensiyong ibinibigay sa Mayo 10, 1897 (ang araw ng pagkamatay ng magkapatid na Bonifacio)? Bagama’t wala akong nakikitang problema sa pag-alala sa kanyang kaarawan, mainam na balik-balikan ang buhay at kamatayan ni Bonifacio kahit na iba’t ibang bersyon ang alam natin. Mahalaga ring suriin ang pinagdaanan ng Katipunan bilang rebolusyonaryong organisasyon. Tutukan natin ang tunggalian sa dalawang paksyong Magdalo at Magdiwang bilang repleksiyon ng pagkakaiba ng interes ng mayayaman at ng mga pinagkaitan. Bagama’t may debate pa rin kung si Bonifacio ba ay nabibilang sa panggitnang-uri (middle class) o uring anakpawis, malinaw na nabibilang ang mga katunggali niya sa mas nakatataas na uring panlipunan (social class).

Sa ganitong konteksto ng tunggalian natin dapat suriin ang katotohanang namatay ang magkapatid na Bonifacio dahil sa desisyon ng paksyong Magdalo. Isang malaking kontradiksiyon ang kinasadlakan ng Supremo – ang layuning mapagkaisa ang buong mamamayan ay nagbunga lang ng internal na tunggalian; ang binuo niyang kilusan ang naging dahilan ng kanyang kamatayan.

Kung may aral tayong makukuha mula kay Bonifacio, ito ay ang kahalagahan ng rebolusyonaryong pagkilos sa panahon ng pang-aapi. Siya at ang mga taga-suporta niya ay nagsisilbing inspirasyon sa iba’t ibang grupo’t indibidwal na isulong ang tunay na pagbabago sa lipunan – malaya mula sa mananakop at nagsisilbi sa interes ng karamihan ng mamamayan, lalo na ang pinagkaitan. Kailangang isiping may pangangailangan at karangalan sa paghawak ng armas para makamtan ang ipinaglalaban. Pero dahil kailangang matuto sa kinasadlakan ng magkapatid na Bonifacio, dapat na may ibayong pag-iingat para mawala ang internal na tunggalian sa kilusan.

Ang patuloy na pagkilos sa kasalukuyan ay nangangahulugan ng malalim na pagkakaunawa sa kasaysayan. Simple lang ang dahilan ng patuloy na pakikibaka: May rebolusyong kailangang isulong dahil may lipunang kailangang baguhin!

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.


Simpleng pag-alala kay Prop. Raul Ingles (1929-2013)

$
0
0

Ito ay isang simpleng pag-alala para sa isang indibidwal na may malawak na impluwensiya bilang guro at peryodista.

Bilang estudyante ng Peryodismo sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman noong huling bahagi ng dekada 80, aaminin kong hindi ako masyadong tumatambay sa Plaridel Hall. Pumupunta lang ako roon tuwing may klase o kung may kailangan akong gawin sa library. Hindi ko tuloy kilala ang lahat ng mga faculty sa Institute of Mass Communication (na naging College of Mass Communication o CMC noong Abril 1988). Kung tutuusin nga, hindi ko rin kilala lahat ng mga ka-batch ko.

IMC noon, CMC ngayon. Ito ang institusyon at kolehiyong naging “tahanan” ko mula 1986 hanggang 1990. Tulad ng iba pang estudyante, alam kong magagaling lahat ng nagtuturo sa IMC at CMC. Noong panahong iyon, may paniniwala kaming hindi makapagtuturo sa UP ang mga walang karapatang makapaghubog ng isipan ng kabataan. At kung may pagkukulang man sa ibinabahagi nilang kaalaman, responsibilidad ng tunay na iskolar ng bayan na punuan ito sa pamamagitan ng ibayong pagbabasa at pakikisalamuha.

Hindi man namin lubusang kilala, binibigyan namin sila ng kaukulang pagkilala. Kahit na nananatiling kritikal kami sa mga itinuturo ng mga guro, hindi pa rin nawawala ang aming respeto.

Sa ganitong konteksto ko naaalala si Prop. Raul Rafael Ingles (1929-2013). Dalawampu’t apat na taon na ang nakaraan mula nang una ko siyang makilala: First Semester, Academic Year 1989-1990. Ika-apat na taon ko noon sa kolehiyo. Maliban sa mga kursong may kinalaman sa paggawa ng thesis proposal at thesis (na noo’y may course code na Communication 199 at Communication 199.1), isa na lang kurso sa Komunikasyon ang kailangan kong kunin: Communication (o Comm) 108 o Printing Techniques.

Noong unang araw ng klase sa Comm 108, pumasok si Ingles – medyo may edad na, pormal ang kasuotan, deretso ang tindig, nakapomada ang buhok, nakasuot ng makapal na salamin. Matatas siyang magsalita sa wikang Ingles at bihirang bihira siyang magsalita sa wikang Filipino. Kung ano ang pormal niyang pananamit ay siya ring pormal na estilo niya sa pagtuturo – gamit ang chalk at blackboard, itinuro niya ang teorya sa likod ng produksiyon ng publikasyon. Nagdadala rin siya ng sample ng mga ginagamit sa paglilimbag ng isang publikasyon para lubusan naming maintindihan hindi lang ang mga konsepto kundi ang mismong aktwal na proseso.

Kung hindi ka nagbabasa, hindi mo malalamang siya pala si Raul Rafael Ingles na isang makata’t peryodista. Aakalain mong ang tanging alam lang niya ay ang pag-iimprenta ng publikasyon. Hindi kasi siya ang tipong ipinagyayabang sa mga estudyante ang mga nagawa niya, pati na ang iba pa niyang aktibidad sa labas ng UP. Para sa kanya, mas mahalaga ang makapagturo ng kursong hinahawakan niya. Ang anumang ibinabahagi niya sa klase ay may kaugnayan lang sa paksa.

Kung mayroong partikular na araw sa semestreng iyon na natatandaan ko, ito ay ang pagbisita namin sa UP Press na noo’y may mga makina pang ginagamit sa pag-iimprenta. Kahit na medyo alam ko na ang proseso ng pag-iimprenta noon bilang bahagi ng Philippine Collegian (opisyal na publikasyon ng mga estudyante ng UP Diliman), aaminin kong marami akong natutuhan mula sa kanyang aktwal na demonstrasyon kung paano nangyayari ang bawat bahagi ng paglilimbag. Ganoon siya kahusay na guro – kaya niyang pagsamahin ang teorya at praktika para mas maintindihan ng mga estudyante ang mga paksa.

Sa labas ng klase, kapansin-pansin ang kanyang kabaitan. Nahihiya man ang karamihan noong makipag-usap sa kanya dahil sa kanyang pormal na hitsura, may mangilan-ngilan din namang naglalakas-loob. Tinanong ko siya noon kung ano ang grado ng kanyang makapal na salamin. Bago siya sumagot, tinanggal niya ang salamin niya para ipakita sa akin kung gaano ito kakapal. Sa aking pagkakaalala, binanggit niyang 1,500 ang grado ng salamin niya kaya hindi na siya makakakita kung hindi niya suot ito. At sa hindi pormal na pakikipag-usap sa kanya, doon ko napansin ang isang bagay: Sa loob at labas ng klasrum, kaya niyang makisalamuha kahit sa mga mas bata pa sa kanya.

Natapos ang semestre at nakakuha ako ng mataas na marka sa Comm 108. At nang makapagtapos ako sa UP at makapagtrabaho sa iba’t ibang non-government organization (NGO) noong unang bahagi ng dekada 90, tuluyan na akong nawalan ng komunikasyon sa kolehiyong naging “tahanan” ko. Kahit na naging part-time na guro ako sa UP CMC noong huling bahagi ng dekada 90, bihira pa rin akong sumali sa mga aktibidad ng kolehiyo dahil madalas na tuwing Sabado lang naman ang mga klase ko.

Nang maging bahagi ako ng regular na faculty ng UP CMC noong 2001, aaminin kong noon ko lang nalaman na si Ingles pala ay nagretiro na at naging professor emeritus noon pang 1990. Ang Comm 108 pala namin ay isa sa mga huling klaseng hinawakan niya bago ang kanyang pagreretiro. At dahil bagong pasok ako sa UP CMC, wala akong sariling opisina dahil limitado ang pasilidad ng Departamento ng Peryodismo. Pero wala akong naging problema sa sitwasyong ito dahil ang naging kasama ko sa opisina ay si Ingles na noo’y 11 taon nang retirado. Kadalasan, solo ko ang opisina pero komportable rin naman akong nagtatrabaho tuwing dumaraan siya para tingnan ang kanyang mga gamit at tahimik na magsulat.

Masasabing bahagi pa rin siya ng UP CMC hindi lang sa kanyang pagiging kauna-unahang professor emeritus kundi sa pagbibigay niya ng payo sa ilang polisiyang may kinalaman sa mahahalagang proyekto. Hindi ko na babanggitin ang lahat ng detalye, pero tandang-tanda ko ang suportang ibinigay niya sa paglalabas ng kauna-unahang refereed journal ng UP CMC, ang Plaridel: A Journal of Philippine Communication, Media and Society. Sa katunayan, nagsalita pa siya noong Pebrero 2004 sa paglulunsad ng unang isyu para purihin ang kolehiyo sa inisyatibang ito. Tulad ng kanyang paraan ng pagtuturo sa amin noong 1989, naging mapagkumbaba siya sa pagkukuwento ng kanyang kapanahunan, lalo na ang kanyang 20 taong pagtuturo sa UP CMC.

Sa sumunod na taon (2005), inilabas ni Ingles ang CD ng mga tula niya bilang kontribusyon sa nalalapit na selebrasyon ng ika-100 taon ng UP sa 2008. Ang mga tula niyang binasa ng ilang pangunahing personalidad sa midya ay nakasulat sa wikang Ingles, Pranses, Filipino at Kastila. Bukod sa CD, may ginawa ring libro si Ingles noong 2008 na may titulong 1908 The Way It Really Was: Historical Journal for the U.P. Centennial, 1908-2008. Matiyaga niyang sinuri ang mga laman ng diyaryo mula Enero 1 hanggang Disyembre 31, 1908 at ginawan niya ng maikling pagsusuma ang mahahalagang pangyayari sa loob ng 366 na araw (leap year kasi ang 1908).

Tandang tanda ko ang paglulunsad ng librong ito. Dinaluhan ito ng ilang pangunahing personalidad sa literatura, pati na ang ilang natitirang miyembro ng Ravens, isang grupo ng mga manunulat na kabilang si Ingles. Hiniling niya ako noong magbigay ng ilang pananalita. Bagama’t malaking karangalan ito, siyempre’y nariyan din ang kaba kahit na hindi ko ipinahalata. Sa bandang huli, nagpasalamat siya sa akin sa pamamagitan ng pagbibigay ng personal na mensaheng nakasulat sa libreng kopya ng librong ibinigay niya sa akin: “With deep appreciation of your spontaneous support in the pre-launching of this book in February 2008, and expecting from you a far more distinguished career in the journalism faculty of the College of Mass Communication.”

Tunay na mananatiling inspirasyon ang mga katulad ni Ingles sa mga susunod na henerasyon ng mga guro, pati na sa mga peryodistang nais magtaguyod ng pinakamataas na pamantayan ng propesyonalismo. Bagama’t panahon na para sa kanyang pamamahinga, makakaasa siya sa pagpapatuloy ng mga sumunod sa kanya.

Sa kanyang pagkamatay noong umaga ng Disyembre 5, mainam na balikan ang isang tulang sinulat niya na may pamagat na “Dressing up for a funeral.” Bagama’t mas natatandaan ng mga nakakakilala sa kanya ang pormal na tindig at hitsura, higit na mas mahalagang tandaan at isapuso ang mga aral na ibinahagi niya:

Hence funerals need not be a formal event;
After all is said and done, what do remain
Are memories of merriment, carousels and
Escapades; joys and tribulations shared;
Youthful desires, hopelessness, dreams unfulfilled
And now, finally: “Adios, au revoir, sayonara, paalam.”

Surely neither he nor I should mind
The color, cut and adornment of what is worn;

For when I go to commute with him in his last repose,
It is the heart’s habiliment that will matter most.

Paalam na po, Propesor Ingles.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Isang makatotohanan at makabuluhang Pasko

$
0
0

May dahilan para pansamantalang magsaya at magpahinga. Pasko na naman, hindi ba?

Dito sa Pilipinas, ang Pasko ay okasyon para muling magsama-sama ang mga mahal sa buhay. Kahit na kapos sa pera, pinipilit pa ring magkaroon ng simpleng noche buenang puwedeng pagsaluhan ng mga kamag-anak at kaibigan. Mahal man o mura, hindi bale na basta’t may maibibigay ding aginaldo, lalo na sa mga bata.

Wala naman sigurong nag-iilusyong makakakuha ng regalong bagong bahay at kotse, kahit mula sa mayayamang kamag-anak. Kahit na hindi masamang mangarap, mainam na ring panatilihing makatotohanan ito. At sa panahong maraming kinakaharap na trahedya ang ating bansa, mas mainam din sigurong gawing makabuluhan ang mga adhikain.

Makatotohanan at makabuluhan. Sana’y ganito na lang ang ating mga pangarap. Kahit na mahirap maiwasan ang mga personal na pag-asam, posible namang labanan ang mga ito at magkaroon ng kaunting sakripisyo. Hindi lang ito simpleng “guilt trip” na pinagdaraanan ng “masuwerteng” mamamayan sa panahong may trahedyang kinakaharap ang kapwa niya. Gusto kong isiping nagmumula ang makatotohanan at makabuluhang pangarap sa mas malalim na pag-intindi sa kasalukuyang kalakaran ng ating lipunan.

May politikal na dahilan, halimbawa, ang desisyon ng maraming grupo’t indibidwal na magbigay ng donasyon sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda noong Nobyembre, pati na ang mga biktima ng lindol noong Oktubre at ang mga sibilyang naipit sa giyera sa Zamboanga City noong Setyembre. At sa mga nabalitaan nating mga kompanyang nagkansela ng Christmas party o ginawang simple na lang ang pagdiriwang, halata ang pakikisimpatiya sa mga kapwa nating nawalan ng buhay, bahay at kabuhayan sa kung anumang dahilan.

At sa usapin ng dahilan, ano ba ang tinutukoy mo – bagyo, lindol o giyera ba? Oo nga’t nangyari ang mga ito ngayong 2013, pero kailangan pa rin nating suriin ang konteksto. Gaano ba kahanda ang gobyerno para tumulong sa mga biktima? May mga opisyal bang nakinabang mula sa trahedya? Kapansin-pansin ba ang sinseridad ng mga nasa kapangyarihan sa pagtulong? O ginagamit lang ba nila ang okasyon para isisi sa mga katunggali ang nangyari?

Habang isinusulat ito, patuloy pa rin ang pagtatalo ng ilang opisyal ng gobyerno kung sino ang may kasalanan lalo na sa dami ng mga namatay pagkatapos ng bagong Yolanda. Ayon sa Situational Report No. 69 (Disyembre 14) ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umaabot na sa 6,033 katao ang namatay at 27,468 ang nasugatan. Posibleng tumaas ang bilang ng namatay dahil mayroon pang 1,779 na nawawala. Nakakalula din ang pinsala sa imprastruktura at agrikultura dahil nagkakahalaga ito ng P35.5 bilyon.

Ngayong Pasko, mainam na pagnilay-nilayan ang mga datos na ito. Mahalaga ang kagyat na tumulong sa mga nasalanta hindi lang ng bagyong Yolanda kundi ng iba pang trahedya.

Pero kung may mas mahalaga pa sa pansamantalang pagtulong, ito ay ang tuloy-tuloy na pagsusuri sa nakaraan at kasalukuyan para mapagtibay ang politikal na paninindigan. Kung may malalim na pag-intindi sa pinagdaraanan ng nakararaming mamamayan, mapapansin ang susing papel ng pagkilos para buuin ang katanggap-tangap na kinabukasan.

Mahirap tapusin ang sanaysay na ito sa pamamagitan ng pagbati ng Maligayang Pasko. Wala naman kasing ligayang nadarama sa gitna ng maraming trahedya. Para maging mapagpalaya ang mensahe, mainam na batiin na lang natin ang isa’t isa ng isang Makatotohanan at Makabuluhang Pasko, at isama na rin natin ang isang Mapagpalayang Bagong Taon!

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Propaganda para sa isang tagapagsalita

$
0
0

Sa totoo lang, wala namang masama sa pagsasagawa ng propaganda. Sa katunayan, nakakatulong pa nga ito sa pagpapaliwanag sa publiko. Nagkakaproblema lang tayo kung ginagamit ng “bulag” na tagapagsalita ang propaganda bilang instrument ng panloloko.

Naaalala ko ang sinabi sa akin noon ng isang dating senador na ngayon ay nagtuturo na sa isang unibersidad. Ayon sa kanya, bihira para sa isang tagapagsalita ng isang politiko o ahensiya ng gobyerno ang tumagal sa puwesto.

Kailangan daw niya kasing tandaan lahat ng kanyang pahayag sa midya para tuloy-tuloy lang ang pagtatahi ng mga komento. Biro ng nasabing senador, nagkakaroon ng mas malaking problema ang tagapagsalita lalo na kung kailangan niyang magsinungaling sa publiko.

At kahit na sabihing hindi pagsisinungaling ang gagawin ng isang tagapagsalita, posibleng magbibigay lang siya ng impormasyon sa paraang mayroon kang datos na pinapalaki at mayroon kang datos na hindi ibinabahagi. Hindi mo na kailangang maging eksperto sa komunikasyon at propaganda para mapansin ang tendensiyang mas binibigyang-pansin ng tagapagsalita ang positibo at pilit na itinatago ang negatibo.

Pangunahing gawain kasi ng isang tagapagsalita ang mas popular na bersyon ng “katotohanan” sa pamantayan ng kanyang pinagtatrabahuan. Hindi interesado ang publiko sa pangkalahatan o ang midya sa partikular sa sariling opinyon ng tagapagsalita. Siya kasi ay nagsasalita para iparating ang mensahe ng tao o organisasyong sinusuportahan.

Pero sa halip na obhetibong mensahe ang maipalaganap sa pamamagitan ng midya, nagiging posible ang subhetibong katangian ng pagpapaliwanag kung binibigyan ng tagapagsalita ng ibang bersyon ang “katotohanan.”

Sa larangan ng public relations, ang tawag dito sa wikang Ingles ay “spin,” isang uri ng propaganda na nagbibigay ng interpretasyon sa isang isyu na may layuning maimpluwensiyahan ang opinyong pampubliko. Sa kontekstong ito, ang tagapagsalitang gumagamit ng spin ay tinatawag na “spin doctor.” Anong klaseng pagdodoktor ba ang ginagawa ng isang tagapagsalita? Suriin nang mabuti ang depenisyong ibinibigay ng Merriam-Webster website: “a person (such as a political aide) whose job involves trying to control the way something (such as an important event) is described to the public in order to influence what people think about it.”

Kung obhetibong susuriin ang salitang “spin doctor,” katanggap-tanggap ang ginagawa ng isang tagapagsalita sa teorya pero nagiging karumal-dumal lang ito sa praktika. Sa pamamagitan kasi ng mapanlikhang paggamit ng mga salita, nagiging maganda ang pangit at nagmumukhang legal ang hindi naaayon sa batas.

Mainam na halimbawa ang nangyari noong hatinggabi ng Nobyembre 30 sa Banyan Road gate ng Dasmariñas Village sa Makati City. Kahit bawal ang mag-exit sa nasabing subdibisyon sa pamamagitan ng gate na iyon, ipinagpilitan ng grupo nina Makati City Mayor Junjun Binay at Senador Nancy Binay na may “karapatan” silang hindi masaklaw ng polisiya ng pribadong subdibisyon. Sa halip na gamitin ang tamang exit, nanatili sila sa Banyan Road gate at may komprontasyong naganap sa pagitan ng grupo ni Mayor Binay at ng mga guwardiya. Naglabas ng mga baril ang mga diumanong bodyguard ni Mayor Binay at naghintay ng pagdating ng ilang tauhan ng Makati Police. Sa bandang huli, ang pulis na mismo ang nagtaas ng harang para makaraan ang convoy nina Binay. Dinala rin sa presinto ang ilang guwardiya ng subdibisyon.

Napapailing na lang ako sa “spin” na ginawa sa isyung ito. Kung paniniwalaan ang pahayag ni Joey Salgado, media affairs head ng Office of the Vice-President at public information consultant ng Makati City, hindi raw totoo ang naging pahayag ni Mayor Binay sa mga guwardiya na “Kilala n’yo ba ako?” Sa halip, ang sinabi raw niya ay “Si Mayor Binay ako. Baka pwedeng makiraan lang.” Siyempre’y mapapaisip ka na lang: Bakit kailangan mo pang ipangalandakan ang katungkulan mo para makiusap sa isang tao?

Natatawa na lang ako sa dagdag na pahayag ni Salgado. Napilitan daw maglabas ng mahahabang baril ang mga bodyguard ni Mayor Binay para depensahan ang kanilang “very important person” (VIP). Sinabi kasi ni Salgado na pinaliligiran na raw ng mga armadong guwardiya ang convoy ni Mayor Binay. Hay, naku! Kahit na sabihin nating armado rin ang mga guwardiya ng Dasmariñas Village, duda ako kung magkakaroon sila ng lakas ng loob na makipagputukan sa isang convoy ng mataas na opisyal ng gobyerno.

Naiinis naman ako sa sinabi ni Salgado tungkol sa mga guwardiyang dinala sa presinto. Hindi raw sila arestado. Sila raw ay boluntaryong nagpunta. At batay sa pahayag ni Supt. Manuel Lucban, hepe ng Makati City Police, ang mga guwardiya raw ay dinala lang sa police headquarters para lang sa “verification purposes.” Ayon kay Salgado, hindi rin daw totoong inabot ng apat na oras ang mga guwardiya sa presinto dahil isang oras lang naman. Gaano man katagal sila sa presinto, hindi maikakailang sila ay “naimbitahan” kahit wala silang kasalanan at ginagampanan lamang ang gawain bilang guwardiya.

Halatang-halata ang pagiging masamang “spin doctor” ni Salgado sa sinabi niyang katangian ni Mayor Binay. “Kung kayo kilala niyo si Mayor Binay, siya ay napakatahimik, humble na tao.” Kung totong siya ay tahimik at mapagkumbaba, siguro nama’y hindi malaking kawalan ang umalis sa Banyan Road gate at lumabas sa tamang exit, hindi ba?

Sa totoo lang, mahirap ang trabaho ng mga tagapagsalitang katulad ni Salgado na pilit na pinoprotektahan ang malinaw na kakulangan ng amo. Kaya nga hindi ko alam kung ako ba ay mapapailing, matatawa, maiinis o maaawa na lang sa sitwasyon niya. Sa kanyang pagdepensa kay Mayor Binay, binibigyan niya ng masamang pangalan ang gawaing propaganda sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang “spin” na malinaw na pagsisinungaling.

Kung may aral tayong dapat matutuhan sa insidente, ito ay ang limitasyon ng isang tagapagsalita, gaano man siya kahusay, para pagtakpan ang katotohanan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Salamat, 2013!

$
0
0

Mayroon bang dapat ipagpasalamat sa 2013 na puno ng trahedya at iba pang problema? Oo naman, pero depende sa pasasalamat na gusto nating gawin.

May pasasalamat kasing consuelo de bobo. Isang halimbawa ang sinabi ni Pangulong Noynoy Aquino matapos manalasa ang bagyong Yolanda noong Nobyembre 8. Kung matatandaan, isang kaibigan ng negosyante sa Tacloban City ang lumapit kay Aquino para ireklamo ang diumanong panunutok ng baril ng isang tinawag niyang “looter.” Ang sagot ni Aquino sa kanya, “But you did not die, right?” Sa halip na ayusin ang sitwasyon sa peace and order sa Tacloban, nagbigay ng nakapanlulumong mensahe si Aquino sa nagrereklamo: Pasalamat ka’t buhay ka pa!

May pasasalamat ding sadyang napakabobo. Pasensiya na po’t wala na akong iba pang salitang maisip na mas malala pa sa bobo na ang ibig sabihin ay tunggak o “mahina ang ulo o nahihirapan o matagal umunawa (UP Diksiyonaryong Filipino [Binagong Edisyon, 2010], p. 1,288).” Sa talumpati ni Aquino noong Disyembre 22 sa pag-inspeksiyon sa pabahay para sa mga naapektuhan ng bagyong Pablo sa Compostela Valley, may mensahe siyang lubhang nakakagalit: “(A)lam n’yo sanay na tayo sa problema. Mula noong pagpasok ko sa trabahong ito…marami na talaga tayong problemang dinatnan. Kaya ‘pag ‘yong ating miyembro ng gabinete ang napapagod, sabi ko sa kanila, `Tatandaan ninyo ‘pag dumating ang panahong wala tayong problema, iyon naman ang problema.’…Dahil magiging boring na. Pero puwede rin namang ‘wag masyadong `interesting’ at `exciting.’” Sa gitna ng kolektibong pagkainis, malinaw ang mensahe niya: Pasalamat kayo’t hindi boring ang Pilipinas dahil sa mga problemang kinakaharap natin!

Malinaw ang kabobohan sa sitwasyong ginagawang trivia lang ang ilang problemang pinagdaraanan ng bayan, lalo na ng ordinaryong mamamayan. Kung sabagay, ano nga ba ang konsepto ng problema ni Pangulong Aquino? Noong estudyante pa siya sa isang pribadong unibersidad, naging problema kaya niya ang mataas na matrikula at ang kawalan ng panggastos tuwing papasok sa klase? Naramdaman na kaya niya ang sakit ng sikmura dahil sa matinding gutom? Dahil nanggaling sa mayamang pamilya, duda ako kung naranasan niyang buhayin ang kanyang mga mahal sa buhay sa kakarampot na kita.

Napag-uusapan na rin lang ang kayamanan ng Pangulo, wala tayong dapat ipagpasalamat sa dominanteng midya dahil sa katiting na coverage sa nangyayari ngayon sa Hacienda Luisita sa Tarlac City na alam nating pag-aari ng pamilya ni Aquino. Kung hindi pa naaresto ang ilang nagpoprotesta kamakailan, hindi ito maibabalita. Wala itong pagkakaiba sa nangyari noong protesta sa Hacienda Luisita noong 2004. Kung hindi nangyari ang masaker noong Nobyembre 16, 2004 na ikinamatay ng 13 manggagawang bukid, hindi maibabalita sa dominanteng midya ang kaguluhan. Pero tulad noon, hanggang ngayon ay hindi malinaw sa publiko ang konteksto ng ipinaglalaban ng mga manggagawang bukid sa Hacienda Luisita.

Mainam na pag-aralang mabuti ang naging pahayag ng grupong Karapatan noong Nobyembre 16: “Nine years after [the massacre], those responsible…have not spent one day in prison. Former Dept. Of Labor and Employment secretary Patricia Sto. Tomas is holding office at the Land Bank of the Philippines. Gen. Ricardo Visaya, head of the Philippine Army deployed in the Hacienda Luisita and a protege of Ret. Maj. Palparan is still sowing terror in the places where he is being deployed…Gen. Visaya’s recent stint of terror is the beheading of the village councilor Ely Oguis, justifying that the victim is an NPA tax collector. Then Senator BS Aquino, whose family’s interests reign in the hacienda, is now the President…The Supreme Court may have decided to distribute the vast lands of Luisita in 2012, but the Aquinos and Cojuangcos, Dept. of Agrarian Reform and Tarlac Development Corporation (TADECO) are using all possible kinds of deception, bribery, state violence to prevent the lands to be actually distributed to all farmworkers.”

May kaugnayan sa matagal nang ipinaglalaban ang kinasasadlakan ng mga manggagawang bukid sa Hacienda Luisita. Pero ang naibabalita lang sa kasalukuyan ay ang ginawang pagbuwag sa protesta at ang pag-arestong nangyari sa limang manggagawang bukid sa salang “trespassing, coercion, direct assault and physical injuries.” Bagama’t nakalaya rin matapos ibasura ng city prosecutor ang mga kaso, napabalitang magsasampa sila ng kaso laban sa mga pulis at sa mga Cojuangco. Malinaw ang mensahe ng mga manggagawang bukid sa Hacienda Luisita: Wala kaming dapat ipagpasalamat sa gobyerno! Lumaya ang lima hindi dahil sa kabaitan ng mga nasa kapangyarihan, kundi dahil sa sama-samang pakikipaglaban ng kanilang karapatan.

Sa aking palagay, may malaking kakulangan ang dominanteng midya sa pag-uulat ng mga nangyayari ngayon sa Hacienda Luisita. Ayaw ko mang isiping may kaugnayan ito sa ilang malalaking trahedyang naganap mula Setyembre hanggang Disyembre (i.e., giyera sa Zamboanga, lindol sa Bohol at Cebu, storm surge sa Tacloban at iba pang lugar), hindi ko pa rin mapigilang magtaka kung bakit hindi sineseryoso ang pagbabalita sa isang isyung may direktang kinalaman sa mga pamilyang Cojuangco at Aquino.

Sa larangan ng peryodismo, alam kong tinaguriang “dead beat” ang agrikultura dahil walang masyadong interes diumano ang nakararaming mamamayan dito (bagama’t malinaw namang ang tunay na dahilan ay hindi masyadong pinagkakakitaan ng mga may-ari ng midya ang larangan ng agrikultura kumpara sa industriya’t serbisyo). Pero kung ang isyu ay may kinalaman sa paglabag sa karapatang pantao at sa mismong utos ng Korte Suprema, dapat lang na tutukan ito kahit ng ilang organisasyong tinaguriang “yellow media” dahil sa pagkampi nito sa kasalukuyang administrasyon.

Pero isipin natin: Ano ang mangyayari sa administrasyong Aquino kung bibigyan ng malaking espasyo o airtime ang isyu sa Hacienda Luisita sa gitna ng napakarami pang problemang kinakaharap ng bansa? Matatandaang noong naiulat ang masaker sa Hacienda Luisita noong Nobyembre 2004, lalong bumagsak ang mga net satisfaction rating ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo – dumausdos ang mga ito sa -5 (Disyembre 2004), -12 (Marso 2005) at -33 (Mayo 2005). Kahit na sabihing may iba pang salik sa pagbaba ng popularidad ni Arroyo, iniiwasan ng kasalukuyang administrasyon ang pagpapalaganap ng iba pang isyung puwedeng makasira sa pamilya ni Aquino.

At sa puntong ito, mainam na suriin ang inaasahang mensahe ng pasasalamat mula sa Malakanyang bunga ng napabalitang +49 na net satisfaction rating ni Aquino batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS) para sa Disyembre 2013. “We are grateful to our people for proving once more that they are on the side of true public service and are unswayed by mere politicking,” sabi ni Edwin Lacierda, tagapagsalita ni Aquino.

Kung gustong maging “tunay na matuwid” ang kasalukuyang administrasyon, kailangang pasalamatan din nito ang dominanteng midya sa hindi pagpapalaki ng isyung kinakaharap ng Hacienda Luisita, o kahit ang iba pang usaping may kinalaman sa patuloy na paglabag sa karapatang pantao at sa lalo pang lumalakas na kultura ng walang pakundangan (culture of impunity). Salamat kasi sa dominanteng midya, hindi gaanong nalalaman ng publiko ang marami pang kontrobersiya, lalo na ang maraming insidente ng pagdukot at pagpatay.

Sa ganitong konteksto natin dapat tingnan ang net satisfaction rating ni Aquino. Huwag nating sisihin ang “kabobohan” ng maraming mamamayan. Natural lamang na may iba silang opinyon sa mga bagay-bagay dahil sa limitadong impormasyong inihahatid ng dominanteng midya. Dahil walang malalimang pagsasakonteksto sa mga balita, madaling napapaniwala ang maraming mamamayan sa retorika ng pag-unlad at ang diumanong “daang matuwid.”

Pero sa kabila ng mga problemang kinaharap ngayong 2013, nagpapasalamat pa rin ako dahil unti-unti nang lumalabas ang tunay na kulay ng administrasyon. Sa mga pahayag na binibitiwan ni Aquino, mas nagiging kapansin-pansin ang kawalan ng simpatiya nito sa pinagdaraanan ng mga mamamayan. Sa kabila ng propaganda ng gobyerno, nagiging matingkad na ang kawalan ng pangmatagalang solusyon sa mga pangunahing problemang kinakaharap ng mga mamamayan tulad ng kahirapan at kawalan ng hustisya.

Sa paglipas ng panahon, asahan natin ang paglawak pa ng protesta para baguhin ang kasalukuyang sistema. At kung hindi magagawa ng kasalukuyang administrasyon ang pagbabagong hinahangad ng mga batayang sektor ng lipunan, malinaw na ang mga organisadong mamamayan na mismo ang kikilos para palitan ang mismong pamahalaan.

Salamat sa pagmumulat, 2013!

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Paunawa: Pansamantalang titigil sa pagsusulat ng kolum niyang “Konteksto” si Prop. Danilo A. Arao sa taong 2014. Bukod sa kanyang administratibong gawain sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman bilang kawaksing dekano (associate dean) ng Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla, kailangan din niyang pagtuunan ng pansin ang sinusulat niyang disertasyon para sa programang doktoral ng Ilmenau University of Technology (Alemanya).
 
Para sa mga nais basahin ang mga kolum ni Prop. Arao, abangan ang paglalabas ng bago niyang libro sa unang bahagi ng 2014 na ililimbag ng PinoyMedia Center.

 

Bukas na liham kay Dante Ang

$
0
0

Sino po ba kayo?

Nagsusumigaw po ang headline ng The Manila Times kahapon (Agosto 22): OUST DUTERTE PLOT BARED. At para mas lalo pang ipakita ang importansya ng “balita,” kayo pa mismo ang nagsulat. Ginawa n’yo po ba ito sa pag-aakalang ang pagiging chairman emeritus ng The Manila Times ay sapat nang kwalipikasyon para maging peryodista?

Paumanhin sa prangkang tanong ng isang guro ng peryodismo. Huwag n’yo na lang pong sagutin ito dahil hindi naman ito masyadong importante, lalo na’t kayo ay mas kilala sa larangan ng public relations. Hindi ba’t bukod sa mataas ninyong posisyon sa The Manila Times, kayo rin po ang itinalagang “special envoy for international public relations” ng administrasyong Duterte noong Mayo 3, 2017? Siyanga pala, alam n’yo po bang ang May 3 ay World Press Freedom Day?

Muli, paumanhin po sa mga tanong ng isang peryodista mula sa alternatibong midya. Kung sabagay, hindi na rin bago sa inyo ang magtrabaho para sa Pangulo ng Pilipinas. Alam naman nating lahat na kayo po ang senior publicist ng dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Hindi rin natin dapat kalimutang sa panahon ni Macapagal-Arroyo ninyo binili ang The Manila Times mula kay Mark Jimenez noong 2001. Makalipas ang apat na taon (Disyembre 2005), kayo po ay naging tagapangulo ng Commission on Filipinos Overseas hanggang sa huling araw ng panunungkulan ni Macapagal-Arroyo noong Hunyo 2010.

Malinaw ang karanasan ninyo sa gobyerno at public relations. May ideya naman siguro kayo sa normatibong pamantayan ng peryodismo bilang may-ari ng isang diyaryo. Higit sa lahat, matalino naman po siguro kayo para malaman kung bakit kayo mismo ang paksa ng sanaysay na ito.

Ayoko nang dagdagan pa ang maraming puntong binanggit ng mga abogado’t mamamahayag na idinawit po ninyo sa planong patalsikin diumano si Pangulong Duterte. Binatikos nila hindi lang ang nilalaman ng inyong sinulat kundi pati ang pamamaraan ng panulat. Maling datos, maling pagsusuri, maling pagsusulat ng balita, komentaryo, imbestigasyon o kung anumang klasipikasyon ang gusto mong gamitin sa “akda” mo – mahahalagang puntong lumalabag sa peryodismo. Sa kaso ng The Manila Times, medyo nakakahiya po ang mga ito dahil bukod sa ginagamit na sanggunian ang The Manila Times Handbook of Journalism ni Jose Luna Castro, mayroon din kayong The Manila Times School of Journalism na dapat na nagtuturo ng responsableng peryodismo. Anong klaseng halimbawa ang ipinapakita ng isang chairman emeritus kung ang isang “screaming headline” na sinulat niya ay hindi pumapasa sa mataas na normatibong pamantayan.

Ang artikulo po ninyong “OUST DUTERTE” ay may isang diagram na pinamagatang “Association Matrix between BIKOY and ELLEN TORDESILLAS.” Bukod kay Tordesillas, nakalagay ang ilang mamamahayag at abogado mula sa Vera Files, Rappler, Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) at National Union of People’s Lawyers (NUPL). Lumalabas na lima sa kanila ay mula sa Vera Files, pito sa Rappler, 18 sa PCIJ at 28 sa NUPL. Nakakakilabot lang na ang kabuuang bilang pala ng mga diumanong sangkot ay 58. Hindi ba’t ito rin ang bilang ng mga namasaker sa Ampatuan noong Nobyembre 23, 2009?

Maraming pangalang pamilyar, may mangilan-ngilang hindi pamilyar para sa akin. Kung susuriin ang listahan ng mga diumanong sangkot sa NUPL na siyang may pinakamalaking bilang, may isang pangalang nais ko pong itanong sa inyo dahil medyo naguguluhan po ako: Sino po ba si Danilo Arao? Abogado po ba siya? Sa pagkakaalam ko po kasi, walang Danilo Arao na bahagi diumano ng NUPL batay sa diagram.

Napansin ko rin pong tila isiningit ang pangalang ito sa diagram dahil napatungan nito ang buong pangalan ng isa pang abogado. Kapansin-pansin din ang binilugang avatar sa itaas ng pangalang Danilo Arao, isang klase na avatar na makikita lamang sa mga pangalang Ellen Tordesillas, Maria A. Ressa, Inday Espina-Varona, Atty. Neri Javier Colmenares at Frank Lloyd Tiongson. Ano po ba ang ibig sabihin nito?

Siguro’y kailangan kong maging mas direkta sa punto. Ako po ba ang tinutukoy ninyong bahagi ng NUPL? Alam po ba ninyong hindi po ako abogado? Anong klaseng “intel report” po ba ang pinagbatayan ninyo sa inyong “balita”? Bagama’t nagawa na ito ng iba’t ibang grupo (pati na ang Bulatlat na kinabibilangan kong organisasyong pang-midya), kailangan kong ulit-ulitin na hindi po ako bahagi ng NUPL bagama’t kinikilala ko ang magandang ginagawa ng mga miyembro nito para sa iba’t ibang sektor, pati na sa midya. (Kung wala po kayong konsepto ng “people’s lawyering,” responsibilidad po ng peryodistang magsaliksik sa paksang tulad nito.)

Gugunitain ng The Manila Times ang ika-121 anibersaryo nito sa Oktubre 11. May dahilan ba para ipagdiwang ang araw na ito? Sayang lang ang makulay na tradisyon nito kung kayo pa rin ang mananatiling may-ari ng diyaryo. Kung may napatunayan kasi ang inyong desisyong magsulat ng isang “balita” kahapon, ito po ay ang katotohanang kahit hindi kayo karapat-dapat na tawaging peryodista.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com
Viewing all 84 articles
Browse latest View live


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>